BATO MAY HAMON KAY ROBREDO

By

Natutuliglig na ang Philippine National Police (PNP) sa ingay ng pasabog ni Vice President Leni Robredo hinggil sa ‘palit-ulo’ scheme sa kampanyang war on drugs ng gobyerno sa ilalim ng Oplan Tokhang.

Hinamon ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa si Robredo na iharap sa kanya ang mga pulis na sinasabing gumagawa ng palit-ulo.

Ayon kay Dela Rosa, walang katotohanan ang laman ng video message ng bise presidente sa 60th United Nations (UN) Commission on Narcotic Drugs sa Vienna International Center sa Australia na pwersahang kinukuha ng mga kagawad ng PNP ang isang miyembro ng pamilya kung wala sa loob ng bahay ang kinakatok nilang nasa drug list.

Ito ang dahilan kung bakit nagdulot ng malaking trauma at takot sa mga residente ang Oplan Tokhang dahil umano sa pag-abuso sa kapangyarihan ng mga pulis.

Giit ni PNP chief, siya mismo ang bubugbog sa harap ni Robredo sa mga pulis na mapatutunayang sangkot sa palit-ulo scheme.

Pero hanggang ngayon ayon kay Dela Rosa, wala pa silang natatanggap na reklamo patungkol sa palit-ulo scheme kaya wala silang basehan para magsagawa ng imbestigasyon.


SHARE