Una sa Balita

Bato loyal kay Digong: Walang masama doon

0 360

IPINAGTANGGOL ng Malacañang si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa laban sa banat ng mga netizen matapos ihayag ang suporta nito kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng ABS-CBN franchise na nakatakdang mapaso sa susunod na buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pane­lo na wala siyang nakikitang masama kung suportahan ng senador ang posisyon ng Pa­ngulo hinggil sa nabanggit na usapin.

Nagpaliwanag naman aniya si Dela Rosa kung bakit kampi ito sa posisyon ng Pangulo hinggil sa mainit na usapin sa ABS-CBN franchise.

“Eh ‘di ba pinaliwanag n’ya na ‘yun, wala naman masama raw doon kung suportahan n’ya si Presidente. Tandaan n’yo na bawat isa rin ay may kanya-kanyang prinsipyo. Siguro kaya n’ya sinusuportahan kasi pareho ang prinsipyo nila ni Presidente on matters subject ng pinag-uusapan. Eh kung lumihis na sa prinsipyo n’ya, eh ‘di siyempre kokontra na rin s’ya. Ganoon lang naman ‘yun eh,” ani Panelo.

Matatandaang kinuyog ng mga netizen ang senador dahil sa loyalty umano nito sa Pangulo sa halip na ang libo-libong mawawalan ng trabaho kapag hindi na-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Maging ang radio jock ng FM station ng ABS-CBN na si DJ Chacha ay bumanat din sa senador at hiniling na magbitiw na lang ito sa kanyang puwesto.

“I will leave and die with President Duterte. I will sink and swim with him. Of course sa nakikita ko he is doing it for the good of the majority of the Filipino people,” ayon naman kay Dela Rosa. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More