Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Batas na swak sa trabaho at edukasyon

0 238

Sa mahigit limandaang mga panukalang batas at resolusyong inihain natin sa Senado mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, nasa 103 na po ang naging ganap na mga batas.

Kung susumahin, may halos dalawang panukalang batas kada buwan ang naipapasa natin sa nagdaang lima’t kalahating taon. Marami po sa mga ito ay tayo ang pangunahing may akda, duminig, kumonsulta, at dumipensa sa mga naging debate sa Senado.

Karamihan din po sa mga naipasa nating mga batas ay swak sa trabaho at edukasyon ng mga Pilipino na bunga ng karanasan at mga ideyang napulot natin nang pamunuan natin ang TESDA mula 2010 hanggang 2015.

Nangunguna po rito ang Tulong-Trabaho Law (RA 11230) na pinangako nating isasabatas noong 2016. Libreng training at skills upgrading po ito sa mga unemployed at mga manggagawa lalo na po sa larangan ng digital technology.

Naglaan po tayo ng ₱1-bilyon noong isang taon at panibagong ₱1.5-bilyon ngayong 2022 para sa humigi’t kumulang 100,000 scholars na makakatanggap ng hindi lalampas sa ₱50,000 na scholarship assistance.

Binago rin po natin ang paraan ng pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipino sa tulong ng ating Philippine Qualifications Framework Law (RA 10968). Ngayon, lahat ng natutunan ng manggagawa sa loob at labas ng paaralan ay pwede nang magamit para makakuha ng mas mataas na kwalipikasyong magagamit sa trabaho.

Bago ang pandemya, sinulong natin ang Work From Home Law (RA 11165) na nagsilbing salbabida ng mga manggagawa at employer nang magsimula ang mga lockdown. Ginagarantyahan nito ang pantay na trato sa mga manggagawang nakabase ang trabaho sa bahay.

Sa kasagsagan ng pandemya, nilaban natin ang Doktor Para sa Bayan Law (RA 11509) para tugunan ang malubhang pangangailangan ng bansa sa mga medical doctor at matiyak na may 10 doktor sa kada 10,000 Pilipino na rekomendasyon ng World Health Organization.

Naglaan po tayo ng ₱1.2-bilyon noong isang taon at halos ₱3-bilyon ngayong 2022 para sa medical scholarship at pagtatayo ng mga bagong school of medicine. Sa ngayon, may labing-isa nang mga pampublikong school of medicine sa bansa at may labindalawang pamantasang nakatakdang mag-offer ng medisina sa susunod na mga buwan at taon.

Sa ilalim ng batas, lahat po ng gastos mula sa unang araw sa school of medicine hanggang maka-graduate at maging ganap na doktor ay libre. Garantisadong trabaho din po ang naghihintay sa mga bagong doktor sa ating mga public hospital kapag nakapasa na sila sa board exam.

Lalong nakita ang halaga ng sinulong nating Occupational Safety and Health Standards Law (RA 11058) ngayong may pandemya kung saan mataas ang banta ng COVID-19 sa buhay at kaligtasan ng ating mga manggagawa.

Bago pa man maapektuhan ng pandemya ang mga hotel, restaurant at resort, naitaguyod na po natin ang 100% Service Charge Distribution (RA 11360) sa mga empleyado ng nabanggit na mga establisyimento.

Mula pa noong dekada setenta ay ipinaglalaban na ito ng ating mga manggagawa na nabigyang katuparan natin makalipas ang mahigit 40 taon. Ngayon, buong-buo nang matatanggap ng mga waiter, cook, at kitchen staff ang mga nakokolektang service charge sa mga customer na dati ay nakikihati pa ang management.

Nagsisilbing pangontra sa matagal na pagtambay ng mga fresh graduate ang inakda nating First Time Jobseekers’ Assistance Law (RA 11261) dahil libre na at wala nang babayaran sa pagkuha ng mga pre-employment document tulad ng NBI at police clearance, birth certificate, medical certificate sa mga pampublikong ospital at iba pa. Makakatipid ng halos ₱2,000 piso ang first time jobseeker sa batas na ito.

Malaking reporma rin sa sektor ng edukasyon ang sinulong nating Free Tuition Law (RA 10931) hindi lang sa kolehiyo kundi maging sa tech-voc. Para tiyaking lahat ng mga graduate ay may sapat na kaalaman sa kanilang mga karapatan at obligasyon bilang future worker at employer, isinabatas din po natin ang Labor Education Law (RA 11551).

Higit sa lahat, naisabatas natin ang GMRC and Values Education Law (RA 11476) na magbabalik sa pagtuturo ng wastong pag-uugali, kagandahang asal, pagpapahalagang Pilipino gayundin ang work ethic na isa sa mga pinagbabatayan ng mga employer sa pagkuha ng mga manggagawa lalo na sa mga umuusbong na mga bagong trabaho bunsod ng new normal at digital technology.

Leave A Reply

Your email address will not be published.