Una sa Balita

Batas na! Lahat ng service charge mapupunta sa empleyado

0 455

MADADAGDAGAN na ang kita ng mga empleyadong nagtatrabaho sa mga restaurant, hotel at ipa pang uri ng negosyo makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang Republic Act No. 11360 na nag-aatas na ibigay lahat sa mga empleyado ang malilikom sa service charge.

Batay sa ilalim ng bagong batas, inaatasan ang mga employer na ibahagi sa kanilang mga empleyado ang nalilikom na kita mula sa service charge, maliban sa mga nasa managerial post.

Sa ganitong paraan ay madagdagan ang take home pay ng mga empleyado lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga establisiyimentong gabi ang operasyon.
Aamiyendahan ng batas ang Labor Code of the Philippines dahil nakasaad dito na 15% ng service charge ay napupunta sa management.

Inaatasan din ng batas ang management ng mga hotel, restawran at iba pang kompanya na magkaroon ng grievance mechanism para agad maa­yos, kung meron man ang hindi pagkakaintindihan ng mga manggagawa at management.

Kung sakaling walang ganitong mekanismo ang isang kompanya, ang regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hahawak ng mga reklamo.

Inaatasan ang DOLE na magbalangkas ng implementing rules and regulations sa loob ng 60 araw para sa pagpapatupad sa nabanggit na batas.

Ang bagong batas ay pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Agosto 7, 2019. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy