Una sa Balita

Batas ‘di na kailangan sa pagtulong — Gordon

0 322

Hindi na dapat magpasa ng bagong batas para lang matulungan ang mga biktima ng mga sakuna tulad ng pagsabog ng Bulkang Taal basta nagagamit nang maayos ang pondo ng gobyerno tulad ng kalamidad na ito, ayon kay Senador Richard Gordon.

“Hindi naman lahat ng disaster, kailangan ng batas. Ang kailangan lang ‘yung maayos na paggastos ng pera ng gobyerno,” pahayag ni Gordon sa panayam ng DZBB kahapon.

“Ang local government meron silang calamity fund, dapat sila mismo ang nag-aayos,” dagdag pa niya.

Sabi pa ni Gordon, chairman ng Philippine Red Cross, nagbigay na ng iba’t ibang tulong ang orga­nisasyon sa mga biktima ng pagsabog ng Taal tulad ng water tanker, mga pagkain at iba pang pangangaila­ngan ng mga tao.

Kausap na rin niya ang international chapter ng Red Cross para mabigyan ng bahay ang mga taong wala nang mauuwian.

Bagama’t patuloy ang relief operation ng mga naapektuhan ng trahedya, dapat may tamang programa ang gobyerno para maisaayos ito.

“Sapat naman, ang daming tumutulong na tao sa pagkain at sa lahat. Pero sa tingin ko, dapat may prog­rama,” punto ni Gordon.

Nauna rito, ibinulgar ni Senador Panfilo Lacson na nawawala ang P4 bilyong kinaltas sa panukalang P20 bilyong calamity fund o National Disaster Risk Reduction and Management fund para sa taong ito.
Kung may anomalya sa paggamit ng calamity fund, iginiit ng Gordon na dapat imbestigahan ito.
“Kapag may calamity, ang dapat talagang paggamitan niyan ay rehab na. Dahil ang tao sa Pilipinas, sa buong mundo, tutulong sa pagkain, sa mga panga­ngailangan. Pero pagdating na doon sa rehab, doon kakapusin,” ayon pa sa senador. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More