Una sa Balita

Batangas maniningil ng P20 environmental fee sa mga turista

By
0 197

LEGAL at dumaan sa tamang proseso ang ipinapatupad na paniningil ng environmentel fee ng local government ng Mabini, Batangas sa mga lokal at foreign tourist na pumapasok sa kanilang bayan.

Ayon kay Mabini Mayor Noel Luistro, ipinasa ng kanilang sangguniang bayan ang naturang resolusyon na kinatigan din ng sangguniang panlalawigan ng Batangas at ito ay para sa pangangalaga ng kanilang kapaligiran.

Dumaan din aniya ito sa public consultation kung saan kasama nila sa pag-uusap ang mga resort owner at operator sa bayan ng Mabini at Tingloy.

Batay sa resolus­yon na inaprubahan, maniningil ng halagang P20 sa bawat isang turista na papasok sa bayan ng Mabini na siya ring jumping point patungo sa bayan ng Tingloy na parehong kilala sa mga world class resort at diving site.

Kakaiba aniya ito sa dati ng sinisingil na P500 na eklusibo lamang para sa mga di­ver at hindi para sa mga turista na patungo lamang sa mga beach at sa kanilang mga kabundukan at hindi magda-diving.

Layunin din umano ng binabayarang environmental fee na makalikom ng pondo para sa pagpapatayo ng sariling landfill ng Mabini taliwas sa sinasabi na ang nasisingil ay para sa pagtatayo ng mga basketball court at waiting shed at beautification ng mga parke at kalye.

Sa kasalukuyan ay nagbabayad ang bayan ng Mabini ng halagang P200,000 kada buwan para sa pagtatapon ng basura sa kanilang mga katabing bayan.

Kasama na aniya dito ang santambak na basurang mga plastik at iba pa na nakokolekta sa mga resort at mga hiking trail na karamihan ay iniiwan ng mga nagpupuntang mga tu­rista.

Kasama din sa ipinasang resolusyon ang implementing rules and regulation nito na siyang batayan sa pagpapatupad at ang pag-iisyu ng opisyal na re­sibo sa mga toll booth na binabayaran ng mga papasok sa Mabini.

Nakasaad pa rin dito na hindi naman obligadong magbayad ang mga mismong taga-bayan ng Mabini na pupunta sa mga resort.

Batay pa rin sa moni­toring ng Mabini Municipal Tourism Office, wala naman anyang pagbabago sa volume ng mga pumapasok na turista sa ba­yan sa kabila ng paniningil ng environmentel fee na sinimulan noong nakaraang buwan.

Ibinatay din ng Mabini ang pagpapatupad ng naturang reso­lusyon sa mga bayan ng San Juan at Bauan, Batangas na mayroon ding ipinapatupad na paniningil ng environmental fee sa mga tu­rista. (Ronilo Dagos)