Una sa Balita

Batangas chairman, 2 bodyguard arestado sa baril

By
0 1,313

Arestado ang isang barangay captain at dala­wang bodyguard nito matapos makumpiska ang tatlong matataas na kalib­re ng baril sa operasyon ng pulisya sa Brgy. Sta. Clara, Sto. Tomas, Batangas kahapon nang umaga.

Kinilala ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, Cala­barzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) police director, ang mga naaresto na sina Jay Monterola y Castillo, 41-anyos, barangay captain ng Sta. Clara at da­lawang bodyguard nito na sina Crisaldo Castillo y de Chavez, taga-Sit­yo Aplaya, Brgy. Bignay, Sariaya, Quezon at Sa­muel Gordura y Autor, 47- anyos, barangay tanod ng nasabing barangay.

Ang mga suspek ay inaresto ng mga tauhan ng RSOU-RID 4A at ng mga tauhan ng Sto. Tomas police station sa bisa ng search warrant mula sa Regional Trial Court branch 29 to 32 ng San Pablo City, Laguna.

Nakumpiska sa mga ito ang isang carbine rifle, dalawang kalibre .45 baril at mga bala.

Ayon sa mga awtoridad, si Monterola ay isa sa mga suspek sa kasong murder dahil pagkapatay sa isang alyas Car­ding na pinagbabaril sa harap ng barangay hall noong 2014.

Si Monterola na two termer na kagawad ay naging barangay captain matapos mapatay ang dating barangay chairman na si Leonor Angeles na pinagbabaril ng riding-in-tandem gunman sa loob ng barangay hall noong October 2016.