Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Batang nagbigay ng kamote sa barangay bayanihan scholarship ang sukli

0 78

Magkakaroon na ng magandang kinabukasan ang isang batang katutubo sa Occidental Mindoro dahil sa scholarship hanggang matapos ng Kolehiyo, ang naging kapalit ng ibinahagi niyang kamote sa community pantry na itinayo sa kanilang barangay.

Hinangaan ng organizer ang 9-taong gulang na si Ornelo ‘Don Don’ Sinagmayon ng Occidental Mindoro na nagbahagi ng kalahating sako ng kamote sa kanilang community pantry sa Brgy. Pinagturilan..

Ayon sa ina nitong si Marialyn, galing sa sarili nilang taniman ang kamote at talagang inihanda nila para maibahagi sa community food pantry.

Naantig at humanga ang mga organizer sa ginawa ng bata kaya binigyan rin sila ng mga grocery item bilang pasasalamat at sinagot rin ng organisasyon ang full scholarship sa pag-aaral mula elementary hanggang college ni Don Don.

Sinabi ng isa sa mga organizer ng pantry na si John Christoper Lara, ng Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan, nagulat umano sila nang biglang lumapit si Don Don dala at ibinigay ang kalahating sako ng kamote.

Kwento pa niya sa kanyang post, “Ayon naman sa kanilang kapitbahay, mabuting bata daw talaga si Don Don at kahit sila ay binibigyan nito ng kamote o mga huli nitong isda galing sa ilog. Siya rin daw ang naaasahan ng nanay niya sa bahay nila habang nagtratrabaho ang kuya at papa niya lalo na noong nagkasakit ito matapos ma-ceasarean.”

Kaya naman masayang-masaya si Lara nang ibalita ang pagbibigay ng scholarship kay Don Don. Aniya, “Muli namin silang pinuntahan para ipaalam na ang buong Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan executive committee ay nagpledge na ng full scholarship mula elementary hanggang college para sa kanya. Masaya daw siya at matutupad na ang pangarap niyang maging ‘sir’ o guro.” (Juliet de Loza-Cudia)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.