Una sa Balita

Bata ni Cayetano kinasuhan sa pagmumura sa mga pulis

0 580

SINAMPAHAN ng patong-patong na kaso ng pulisya ang isang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) matapos umano nitong pagmumurahin ang mga pulis na nagbabantay sa football venue ng Southeast Asian (SEA) Games sa Biñan City, Laguna.

Ayon kay Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City Police, kahapon ay sinampahan nila ng mga kasong 2 counts of Unjust Vexation at 2 counts ng Oral Defamation sa Biñan City Prosecutors Office si Mark Nikolai Villamora, Planning Chief GSS ng Phisgoc, na mayroong IS number na 19L-00486 at 19L-00485.

Ayon kay Mendoza, isa siya sa complainant laban sa suspek kasama sina PCMS. Danny Apostol at PMSg. Michael Terciro Fetizanan.

Sa panayam kay Mendoza, dalawang beses umanong sini­gawan at pinagmumura ni Villamora ang mga pulis at unang naganap ang insidente noong Nobyembre 25 ng dumating ito sa football stadium sa Biñan City kasama ang tinatayang 80 kabataan na walang ID at pilit nitong ipinapasok sa loob dahil volunteer umano ito ng Phisgoc.

Subalit pansamantalang pini­gilan ang mga ito ng team leader na sina Police Capt. Reden Valdez at Police Lt. Rita Lyn Hernandez dahil kinakailangan umanong ins­peksyunin ang mga dalang bag ng mga ito dahil sa utos na paghihigpit ng seguridad sa venue.

Doon na umano sinigawan at pinagmumura ni Villamora ang mga pulis at sinabing wala silang karapatan dahil sila umano ang in charge sa palaro sa kabila ng paliwanag ng mga opisyal ng pulis.

Alas-4:30 naman ng hapon nitong Nobyembre 29 nang maganap ang ikalawang paninigaw at pagmumura ni Villamora sa mga pulis sa loob din ng Football stadium sa Biñan City.

Kasalukuyang gumaganap ng tungkulin at nag-iinspeksyon ng mga pumapasok na mga manonood sa laban ang mga pulis na sina PCMS. Apostol at PMSG. Fertizanan ng lapitan na naman sila ni Villamora sabay duro at sinabing “P****ina hindi kayo puwede dito huwag kayong pa special dito at kami ang in-charge sa security dito!”

Hindi naman ito pinatulan ng mga nasabing pulis at sa maayos na paraan ay inimbitahan nila si Villamora sa security control area upang pag-usapan at para hindi na rin makatawag ng atens­yon sa mga nanonood sa venue subalit hindi ito sumunod.

“Maayos po na nagtatrabaho ang aking mga pulis sa venue, nagbibilad sa init ng araw para magampanan ang tungkulin sa bayan pero ano po ang ginawa ng taong ito (Villamora), ipinahiya, sinigawan at minura sila sa harapan ng maraming tao,” himutok ni Mendoza.

Wala pang pahayag ang nasabing opisyal ng Phisgoc na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy