Una sa Balita

Basurang itinapon mo, babalik rin sa’yo

By
0 133

Iyan ang mensahe ng isang commercial sa TV noong 1990s na angkop na angkop sa panahong ito, lalo pa matapos natin makita ang tambak ng basura na isinuka ng Manila Bay nitong nakaraang paghampas ng ulan dulot ng habagat.

Mahigit 80 tonelada ng basura mula sa dagat, na inabot ng tatlong araw para mahakot, ang nakuha sa Roxas Blvd. Mas na­kababahala pa na ang mga basurang ito ay mga domestic, household waste at puro plastic. Malaking bahagi rin nito ang mga materyales mula sa mga nasirang fish pen na nagkalat sa Manila Bay.

Sa kabila ng iba’t ibang programa para tugunan ang patuloy na problema sa basura hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa, makikita natin na tuloy pa rin ang pagkalat ng basura sa ating karagatan. Kahit nga napakarami nang mga lokal na pamahalaan ang nagpapatupad ng ban sa plastic, kung saan nanguna ang lungsod ng Bacoor noong ako’y nanilbihang alkalde, puro plastic pa rin ang inanod at hinakot na basura.

Kahit pa dekada nang ipinatutupad ang RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at RA 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004, tila mabagal ang pag-usad sa pagkamit ng mga layon nito. Makikita kasi na hindi pa rin naka-segregate ng tama ang basura. Makikita na marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa ating mga daluyang tubig at karagatan.

Sa kabila naman ng pagkakatatag ng Manila Bay Rehabilitation Project, alinsunod sa pagbuo ng Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy (OPMBCS) na ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamamagitan ng writ of continuing mandamus na ipinalabas noong December, 2008, tila napakarami pa ring mga fish pen at basura sa Manila Bay.

Ipinakikita lamang ng pagsuka ng tone-toneladang basura mula sa dagat papunta sa lupa, na walang anumang programa ang magiging susi sa paglinis at pangangalaga ng ating karagatan kung hindi tatalima ang taumbayan sa mga dapat at tamang gawain. Kung lahat ay magiging res­ponsable, mas mabilis nating makikita ang magandang dulot ng ating gawain.

Kung lahat ay magi­ging conscious lamang na sa tamang tapunan lang ng basura magtatapon, kung ang lahat ay magse-segregate lang ng kani-kaniyang basura, at kung ang lahat ay hindi na bara-barang magtatapon ng basura kung saan saan, naniniwala tayong ma­laki ang mababawas sa problema natin sa basura.