Basurang galing Canada malabo pang maibalik

By

Malabo pa rin maibalik sa Canada ang 50 toneladang basura na itinapon sa Pilipinas noong 2013 matapos muling ungkatin ang isyu kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau.

Sinabi kahapon ni Trudeau sa kanyang press conference na natalakay nila ang isyu ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang one-on-one meeting at tiniyak na gumagawa ng solusyon ang kanyang gobyerno para matapos ito.

Binigyang-katuwiran ni Trudeau na walang pag-apruba ng kanilang gobyerno ang shipment ng mga basura at pribadong kompanya aniya ang naglabas ng mga ito.

Pero pakunsuwelo ng Prime Minister, nagawan na ng paraan ang mga regulasyon at mga bala­kid para sa pagpapabalik ng mga tone-toneladang basurang itinapon sa Pilipinas.

Ang ang kuwestiyon na lamang aniya sa nga­yon ay kung sino ang babalikat sa pagpapabalik sa Canada ng mga basurang ibiniyahe sa Pilipinas.

Ang tone-toneladang basura na idineklarang recyclable plastic scrap materials ng importer ay natuklasang halo-halong basura, household garbage pati mga gamit na adult diapers.

SHARE