Una sa Balita

‘Basketbrawl’

By
0 662

Ang gulong naganap sa Philippine Arena sa pagitan ng Pilipinas at Australia sa kanilang paghaharap sa 2018 FIBA World Cup ay nakagulantang sa mil­yon-milyong tagasubaybay ng basketball.

Bagamat talagang hindi inaasahan ang ganitong kaganapan lalo’t higit mula sa ating mga manlalarong Pinoy na nakapaglikha ng pangalan sa larangan ng professional basketball sa pamamagitan ng pagpapamalas ng disiplina at sportsmanship, ang kontrobersi­yal na larong ito ay tunay na nakalikha ng gusot sa kasaysayan ng FIBA.

Naiulat na bago pa man ang aktuwal na laro sa pagitan ng mga Pinoy at ng mga Aussie, may namumuo ng init sa pagitan ng dalawang koponan.

Sa aking palagay, ang pagkakatanggal ng mga Australyano ng mga decal sticker mula sa sahig ng arena nang walang pahintulot mula sa pamunuan ay sapat na upang magsagawa ng imbestigasyon sa mga dayuhang manlalaro.

Una, ang mga sticker ay pamihadong aprubado ng FIBA at samakatuwid ay pinayagang maging bahagi ng playing court.

Pangalawa, kung tunay na madulas ang mga sticker at nakasasagabal sa ligtas ng paglalaro ng mga atleta, hindi ibig sabihin nito ay maaari na lamang basta tanggalin nang walang kaukulang pahin­tulot.

Related Posts

Oo nga at nagpaabot nang paghingi ng paumanhin ang koponan ng Australia su­balit hindi dapat maiwa­nan na hindi napag-uusapan at naisasa-ayos ang mga pangyayaring kagaya nito.

Ang disiplina at sportsmanship, hi­git lalo sa mga pandaigdigan at propesyunal na liga tulad ng FIBA ay palaging mangangaila­ngan ng pag-galang para sa mga kapwa manlalaro at maging sa kani-kanilang mga bansa.

May kamaliang nagawa ang ating mga Pinoy na basketbolista, at hindi natin ipinagtatanggol ang anumang hindi naaangkop na pag-uugali nila bilang mga atleta.

Bagamat nakapagpaabot na ng paghingi ng paumanhin ang Pilipinas at Australia sa pandaigdigang komunidad ng basketball, ang imbestigas­yon na isinasagawa ay sadyang nararapat hindi lamang upang matukoy ang mga dapat maparusahan kundi upang hindi na rin maulit ang nakalulungkot na kaganapang ito sa mga susunod na FIBA World Cup.

Ang larong basketball ay isa sa pinakasinusubaybayang sport sa mundo, at ang 2018 FIBA World Cup ‘basketbrawl’ sa Pilipinas ay tunay na mag-iiwan ng mantsa sa kasaysayan ng FIBA.

Ang pagsisiyasat ay dapat na maging detalyado, komprehensibo at patas kung nais ng FIBA na mapanatili ang integridad ng pangadigdigang liga.