Una sa Balita

Basketball, mundo ni Magsumbol

By
0 722

KAPAG dating basketbolista, palagi pa ring basketbolista.

‘Yan si Mark ‘Magsi’ Magsumbol, isang Physical Education teacher o faculty specialist sa Shanghai American School – Elementary Pudong Campus sa China.

Maaring may ilang hindi na nakakakilalang milenyal sa kanya sa ngayon.

Pero para sa rekord, siya’y nakapaglaro sa San Jose Skyrockets ng American Basketball Association noong 2010-11, sa Sta. Lucia Realty at Air21/Barako Bull sa Philippine Basketball Association noong 2006-08, sa Satria BritAma Indonesia ng ASEAN Basketball League noong 2012 at sa Wealthbank-Talisay ng Cebu Basketball Association nung 2011.

Sa apat na team ng Philippine Basketball League (dating PABL), tatlong squad sa National Basketball Conference, sa Cebuana Lhuillier national team, sa College of Saint Benilde Blazers ng National Collegiate Athletic Association na napagkampeon niya noong 2000-01 para mahirang siyang MVP kung saan nagtapos siya ng Hotel & Restaurant Management.

Nakatawan din niya ang Pilipinas sa International Basketball Federation-Asia (dating Asian Basketball Confederation) 20-Under sa Qatar at United Arab Emirates noong 2000, Southeast Asian Basketball Association, Jones Cup at iba pa.

Kasal ang 38-taong-gulang na ngayon at tubong Calauag, Quezon kay Caecent Noot-Magsumbol, isang sportswriter ng Cebu Freeman mula 1996 hanggang kasalukuyan kung saan may isa silang 7-anyos na lalaking supling na si Mark Christopher, grade 2 sa Royal Chinese Academy sa Talisay City.

“Nakakauwi lang si Mark 2x a year. 2-week vacation sa summer at one month pag December. Kasi ‘yun ang schedule niya,” bulalas ng solong anak na ang mga magulang ay nasa Estados Unidos na si Caecent sa Abante.

Palibahasa’y nananalaytay pa rin ang dugo ng isang tunay na basketball player, hinirit ni Caecent na nagsa-side rin ang kanyang esposo sa pagiging basketball coach, assistant coach, marketing director, substitute barker, sangkot sa ilang cage clinic at iba pang konektado sa laro.

“Ayaw na niyang maglaro, mahirap kapag na-injury. Ayos naman ang trabaho niya ngayon sa China bukod sa pagi­ging PE teacher. Talagang connected pa rin siya sa basketbol,” dagdag ni Ms. Magsumbol, na tuloy ang relas­yon sa mahal na asawa kahit magkalayo.

“Since boyfriend/girlfriend long distance romance na kami. Patience is a virtue. Kahit anong love walang patutunguhan, mararating at mawawala ang lahat kung walang pasensya,” panapos niya.

“Trust to each other. ‘Di paranoid para walang gulo sa buhay. It will hurt someone to lie.”