Una sa Balita

Basher sa FB inireklamo ng natalong kagawad

By
0 1,705

GALIT na galit na nagtungo sa presinto ang isang natalong kagawad sa katatapos na Barangay at SK election, upang ireklamo ang babaeng basher nito dahil sa pagpo-post umano ng malisyosong salita sa social media sa Valenzuela City.

Pasado alas-9:00 kamakalawa ng umaga nang ihabla ni Aileen Grace de Leon, ng No. 1588 Sebastian Compound, Brgy. Bagbaguin ng nasabing lungsod, si Regina Dominguez alyas Regina Delgado, naninirahan sa Brgy. Lingunan.

Base sa reklamo ni De Leon, sinimulan siyang i-bash ni Dominguez gamit ang Facebook account na Regina Delgado noon pang September 30, 2017.

Inulit daw ito ng suspek nitong Mayo 11, 2018, tatlong araw bago sumapit ang halalan.

Nakasaad sa Facebook account ni Regina ang mga salitang “Ito ba ang klase ng kandidatang iboboto n’yo bilang Kagawad? Isang mapanlinlang. Alamin ang tunay na pagkatao bago natin iboto ang babaeng ito bilang Kagawad. Karapat-dapat na siya? Anong pagli­lingkod ang kanyang nagawa para sabi­hing subok sa pagli­lingkod? Baka naman subok sa paglilingkod sa mga lalaki ang kanyang katawan.”

Nakalagay ang pa­ngalang Regina Delgado sa Facebook account na nagba-bash sa kanya hanggang sa matuklasan nito na kay Regina Dominguez ang tunay nitong pangalan.

Ayon kay De Leon ang malisyosong paninira sa kanya gamit ang social media ay isa sa mga dahilan kaya siya natalo sa nakaraang eleksiyon.

Sinabi naman ni PO1 Ryan A. Alburo, ire-refer nila sa Anti-Cyber Crime Group ng PNP ang kaso ni De Leon.
Nahaharap sa kasong Cyber Identity Theft and or Cyber Crime Harassment si Dominguez.