Una sa Balita

Basag na itlog delikado sa kalusugan — DOH

0 290

PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pagbili at pagkain ng basag na itlog dahil sa posibilidad na kontaminado ito ng bakterya at makakasama sa kalusugan.

Sinabi ni DOH Spokesperson Eric Domingo, kapag nabasag o nagkaroon ng lamat ang itlog ay maaari itong pasukin ng bakterya gaya ng salmonella at staphylococcus na isa sa mga pangunahing sanhi ng food poisoning.

“Once ito ay mabiyak, may posibilidad na pumasok ‘yung mikrobyo katulad ng salmonella at staphylococcus. Ito ay most common cause ng food poisoning,”­ ayon kay Domingo.

Sa kabila na maaari namang mamatay ang mikrobyo sa pamamagitan ng pagluluto sa itlog ay maaari rin naman aniya manatili ang toxin nito, lalo na kung malasado ang pagkakaluto.

Ayon kay Domingo, kapag nakain ang mga naturang toxin na napo-produce sa itlog ay maaari itong makairita sa internal system ng tao at nagreresulta sa pagsusuka at diarrhea.

Gayunman, aminado ang DOH na mas marami pa ring tao ang nais bumili ng basag na itlog dahil mas mura ito ng hanggang P3 kumpara sa buong itlog.

Inihayag ito ng DOH matapos ang nangyari sa 261 loyalista ng pamilya Marcos na nalason sa kinain nilang adobong manok na may malasadong itlog, sa selebrasyon ng ika-90 taong kaara­wan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos noong Hulyo 3 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy