Una sa Balita

BARMM

By
0 490

Noong nakaraang lingo, tina­lakay natin ang plebisito sa katimugan ng bansa para sa ratipikasyon ng Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law.

Kasabay ng pagtalakay ng proseso para buuin ang nasabing batas, hinikayat natin ang ating mga kababayan doon na lumabas, makilahok, at ipahayag ang kanilang paninindigan sa paraan ng kanilang boto.

At na­ging matagumpay nga ang botohan na nairaos ng walang insidente ng kaguluhan. Sa kabuuang 2,356,177 bilang ng mga rehistradong botante, 1,998,659 o 84.8% ang lumabas at aktwal na bumoto.

Dahil nangibabaw ang ‘Yes’ vote, kinukunsidera nang ratipikado ang BOL, at papalitan ng BARMM ang ARMM. Ginawaran ito ng malawak na kakayahan para mamuno sa rehiyon. Binigyan rin ito ng 60 bilyong piso paunang pondo para maumpisahan na nito ang pagiging mas independent sa pambansang pamahalaan.

Itatatag naman ang isang parliament na bubuuin ng mga kinatawan mula sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi, at Cotabato City, mga karagdagang teritoryo na boboto pa para maging bahagi nito, at mula sa mga sektor ng kababaihan, kristyano at mga katutubo o indigenous people.

Sa Pebrero 6 isa pang plebisito ang gaganapin sa Lanao del Norte (liban sa Iligan City) at 67 barangay sa North Cotabato kung saan tatanungin kung gusto nilang maging bahagi ng BARMM. Kung mananaig ang ‘Yes’, kailangan namang sumang-ayon ang kanilang mga Local Government Unit (LGU) na maging bahagi ang mga nabanggit na teritoryo sa BARMM.

Ang BOL at BARMM ay pagsasakatuparan ng mga adhikaing ipinaglaban ng ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mahigit apat na dekada. Maging daan sana ito para tuluyang kapayapaan, kaayusan at pagsulong ng Mindanao.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy