Una sa Balita

Barker binaril, sinaksak ng kabaro

0 235

Pinaghahanap ngayon ng Pasig Police ang dalawang jeepney barker matapos pagtulungang bugbugin, barilin sa paa at saksakin pa ng icepick sa noo ang kapwa barker Biyernes nang gabi sa Marcos Highway, Barangay Santolan, Pasig City

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakaalerto ang Pasig Police laban sa mga suspek na nakilala lamang sa alyas na Nosi at isang hindi pa nakikilalang jeepney barker na dumale sa kapwa nila barker na si Jason­ Palermo, 29, ng Brgy. Tumana, Marikina.

Ayon kay Police Col. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig City Police, alas-9:30 Biyernes ng gabi nang mapadaan ang biktima sa tulay malapit sa SM City Marikina. Nilapitan ito ng isa sa mga suspek at matapos mag-usap ay bigla nang nagtalo.

Nagkaroon ng murahan, suntukan at agad ding dumating ang isa pang suspek na bumunot ng baril saka pinaputukan ang biktima sa kanang paa. Isa naman ang sumaksak ng ice pick sa noo ng biktima, na nakaratay ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center.

Hinala ng pulisya na matagal nang alitan ang nag-udyok sa dalawang suspek laban sa nag-iisang biktima. (Vick Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy