Una sa Balita

Baril ng prosecutor tinangay ng mag-inang kasambahay

By
0 3

Pormal na nagreklamo sa Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ang isang assistant prosecutor laban sa kanyang biyudang kasambahay at anak nito makaraang nakawin ng mga ito ang kanyang baril sa Quezon City.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng CIDU, nakilala ang biktima na si Atty. Ramon Ocampo, 57, assistant city prosecutor ng QC at taga-Cavite St., Bonifacio Village, Brgy. Pasong Tamo, Tandang Sora, QC.

Sa report, nakilala ang mag-inang suspek na nakakulong sa CIDU detention cell ng QCPD sa Camp Karingal na sina Marieta Pascual y Bernardero, 59, stay-in kasambahay ng biktima, at anak nitong si Jhowel Pascual y Bernardero, 23, ng No. 700 Lower Nara St., Brgy. Payatas A, QC.

Sa salaysay ng biktima kay SPO1 Marvin Masangkay ng CIDU, nangyari ang insidente sa mismong bahay nito kung saan nakatago sa loob ng kanyang cabinet ang baril na Norinco .45 caliber pistol.

Sinabi ni Atty. Ocampo kay SPO1 Masangkay, August 17, 2017 nang umalis siya at nagpunta ng Marawi City for inquest proceedings. Pagbalik ay nadiskubre niyang nawawala na ang kanyang baril.

Agad humingi ng tulong sa CIDU for investigation ang biktima at pagpunta ng mga imbestigador sa bahay ng biktima ay napaamin si Jhowel na nagsabwatan silang mag-ina para nakawin ang baril kasama umano ang isa pang alyas ‘JR’ na pinaghahanap pa.

Inamin din nilang ibinenta nila ang baril sa halagang P7,000.00 sa isang ‘Ka Neil’ na umano’y miyembro ng Barangay Public Safety Office (BPSO) ng Brgy. Commonwealth, QC.