Una sa Balita

Barangayan na!

By
0 741

Halos limang taon na ang lumipas nang huli tayong naghalal ng mga opisyal ng barangay noong October 28, 2013, matapos dalawang beses na ipagpali­ban ang eleksiyon.

May mga pamayanan, sa ilalim ng mga mahuhusay na kapitan del barrio at kanyang mga kagawad, ang gumamit ng panahong ito para pagandahin ang kani-kanilang mga lugar at nakatulong sa pagpapabuti sa buhay ng mga kabarangay. May ilan namang mga lugar, sa iba’t ibang dahilan, ang atat na atat nang palitan ang kanilang mga pinuno.

Ang araw na ito ang magiging sukat kung mabuti ba ang kinahinatnan ng kanya-kanyang mga lugar, at maglalatag ng landas na tatahakin ng ating mga pamayanan sa susunod na tatlong taon. Umpisa ngayon ang pagsubok sa kultura ng ‘barangayan’ na nangangahulugan ng pagtutulungan ng komunidad – kung papaano magkakaisa ang mga magkakapitbahay para pumili ng magpapastol sa kanila; at kung papaano magkakaisa ang lahat sa ilalim ng mga mahahalal.

Mayroong 42,044 na barangay sa buong Pilipinas, at mayroong 672,704 na posisyong pinaglalabanan – 1 Barangay Chairman; 7 Kagawad; 1 SK Chairman; at 7 SK Councilor kada barangay. Mahaba-haba pong sulatan ang mangyayari dahil ‘di tulad ng mga nakaraang halalan, mano-mano tayo ngayon at hindi automated. Kung hindi magiging handa sa pagpasok sa mga botohan, malamang abutin kayo ng siyam-siyam.

Ang mga may edad 15-17, kailangang punan ang isang balota – para sa Sangguniang Kabataan (SK) na ngayo’y Katipunan ng Kabataan. Ang mga edad 18-30, dalawang balota – para sa barangay at para sa SK. Ang mga higit 30-anyos naman, isang balota – para sa barangay.

Maganda na sa pagtungo sa presinto, may kanya-kanyang bitbit na ng kodigo na pagkokopyahan. Sapat na naman siguro ang panahong ibinigay para makilala at makilatis ang mga kumakandidato at pumili sa kanila kung sino ang napupusuan. Puwede naman i-save sa cellphone ang listahan, basta’t huwag lang gagamitin ang cellphone para litratuhan ang balota. Bawal ‘yun.

Sa mga nakarehistrong ‘illiterate’ o kung tawagin sa atin na ‘no-read; no write’, pinapayagan ng batas na magkaroon sila ng assistor o tutulong sa pagsulat ng boto. Magandang samahan na sila ng kamag-anak na magsusulat, o kung wala naman, ay lapitan ang Election Officer ng presinto.

Mahalaga na maging kalmado at responsable ang lahat para maging tagumpay ang barangay elections 2018.

Ang pinakamala­king hamon ay hindi ang botohan kundi ang mga mangyayari pagkatapos nito. Tandaan na ang eleksiyon, isang araw lang. Pero ang pagkakaibigan, pagkakapitbahay at barangayan pangmatagalan, kundi panghabambuhay man.