Una sa Balita

Barangay hall sa Maynila tinokhang ng MPD

By
0 1,346

Nagsagawa ng ‘Tokhang Operation’ ang Manila Police District-Police Station 2 kamakalawa ng hapon sa Brgy. 255 Zone 23, District 1 na pinamumunuan ni Barangay Captain Arnel Dungo na kabilang sa mga pinangalanan ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency(PDEA).

Lumutang naman sa Tokhang operation si Dungo at nagpaliwanag sa mga pulis pinamumunuan ni P/Insp. Monico Sumala na bahagi umano ng maruming pamumulitika ang pagsama sa kanyang pangalan sa drug watch list ng PDEA.

Dakong alas-kuwatro ng hapon nang salakayin ng PDEA ang barangay hall.

Gayunman, inamin ni Dungo na naging shabu user siya pero inihinto na niya ang paggamit ng iligal na droga noong 2001 pa matapos niyang tumakbo at maging barangay chairman.

Wala namang nakuhang anumang ebidensiya laban kay Dungo kaya minabuti na lamang ni Sumala na panumpain ito at makiisa sa Sanlakbay Rehabilitation Program.

Nangako naman si Dungo na sasailalim siya sa counselling at spiritual enhancement kaugnay sa iligal na droga.
Samantala, sinabi naman ni MPD Director PC/Supt. Joel Coronel na paiigtingin pa nila ang kampanya kontra iligal na droga sa Maynila.