Una sa Balita

Barangay chairman tinambangan sa Laguna

0 342

SUGATAN ang isang barangay chairman matapos tambangan ng mga hindi nakilalang salarin ang sasakyan nito sa Sta. Rosa City, Laguna Huwebes nang umaga.

Kinilala ang biktima na si Godofredo Dela Rosa, chairman ng Barangay Dita.
Ayon sa Sta. Rosa City Police, nangyari ang pananambang alas-9:10 nang umaga habang ang ka­pitan ay sakay ng kanyang kotseng Honda City.

Papasok ito sa Mariquita Pueblo Subdivision sa nasabing barangay nang dumating ang dalawang suspek na parehong nakasuot ng itim na damit at nakasumbrero.

Magkasabay na pinaulanan ng mga ito ng bala ang sasakyan ng barangay chairman at saka mabilis na tumakas sa crime scene.

Nagtamo ang chairman ng mga tama sa dibdib, braso at sa tuhod.

Isinugod ito sa Saint James Hospital subalit inilipat din sa isang ospital sa Biñan City.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng kalibre .45 baril.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sta. Rosa City Police sa pangyayari. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy