Una sa Balita

Baon sa utang, buntis nirapido sa Pangasinan

By
0 399

PATAY ang isang pitong-buwang buntis na sinasabing maraming utang matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan noong Martes.

Kinilala ng San Jacinto Police Station (SJPS) ang biktima na si Mary Ann Aoanan, 39, ng nasabing bayan.

Ayon kay SJPS commander Sr. Insp. Mark Ryan Taminaya, ang hindi pa nakikilalang salarin ay bigla na lang pumasok sa loob ng bahay at nang makitang nakaupo ang biktima sa salas ay bigla na lamang pinagbabaril sa katawan at ulo.

Agad na namatay ang biktima pati na ang kanyang pinagbubuntis dahil sa mga tama ng bala ng baril.

Ayon kay Taminaya, marami umanong utang ang biktima kaya isa ito sa kanilang tinitingnang anggulo sa krimen.

Wala rin itong nakaalitan o nakaaway base na rin sa kanilang pagtatanong sa kaanak ng biktima, ayon sa pulis.

Mayroon ng ideya ang SJPS sa posibleng persons-of-interest sa nangyaring pamamaril.