Una sa Balita

Bantayan ang boto, huwag pumayag manakawang muli

By
0 569

Nitong nakaraang linggo, narinig at nakita natin sa mga balita sa pahayagan, sa mga TV news program, at sa social media ang pag-file ng kampo ni VP Leni Rob­redo ng motion for reconsi­deration sa Presidential Electoral Tribunal (PET).

Mara­ming kababayan natin ang naguguluhan sa mga pangyayari, lalo pa’t usapang ligal ang malimit nating nababasa. Ano na nga ba ang nangyayari sa recount para sa Vice Presidential elections?

Dalawang linggo lang ang nakakaraan nang pag-usapan natin ang isandamakmak na reklamo ni Mr. Marcos tungkol sa nagaganap na recount na siya rin naman ang pasimuno.

Napag-usapan din ang kung ano-anong paratang ng pandaraya. Pero ni minsan, wala tayong nakitang ebidensiya. Gaya nang sabi ng punong abogado ni VP Leni na si Atty. Romulo Macalintal, “Wala pala [siyang] ebidensiya, na wala pala siyang mahaharap sa taumbayan na ebidensiya to prove a massive fraud, nag-iimbento siya ng evidence for media purposes but not for legal purposes. Sana kayong mga taga-media huwag kayong maligaw sa mga sinasabing ito ni Mr. Marcos.”

Ngayon, ang bagong motion na inihain ng kampo ni VP Leni ay patungkol naman pagbabago ng shading threshold. Ano ang ibig sabihin nito? Sa mga balota noong nakaraang eleksiyon, kinailangan nating mag-shade ng mga bilog o oval na nakatabi sa pangalan ng kandidatong ating binoboto.

Ang iba, buo itong nakulayan, samantala ang iba bahagya lamang. Para mabilang ng makina na ginamit noong 2016 elections ang iyong boto, kinakailangang hindi bababa sa 25% ang parte ng bilog o oval ang nalagyan mo ng shade.

Halimbawa, si Juan ay botante ni VP Leni. Bumoto siya noong 2016, pero hindi buong bilog o oval ang na-shade niya — sabihin nating halos kalahati lang. Nang dumating ang bilangan at ipinasok ang kanyang balota sa vote counting machine, binilang ang boto ni Juan na isa para sa kandidatong si Leni Robredo.

Ganoon din ang pagbilang sa mga boto nila Maria, Jose, at iba pa na dahil sa ano mang kadahilanan ay hindi buong nakapag-shade ng mga bilog o oval sa balota nila.

Ang problema, sa pagsisimula ng manual recount ng mga balota para sa pagka-bise presidente, ang sinasabi ng PET ay kailangang hindi bababa sa 50% o kalahati ng bilog o oval ang dapat na-shade para mabilang ito at hindi ang 25% na ginamit noong nakaraang halalan. Nakakaloka, sandali lang!

Anong nangyayari? Ibig sabihin dahil binago ang shading threshold, ang mga boto na nabilang noong 2016 election para sa pagka-bise presidente ay maaaring hindi na mabilang ngayong recount.

Ibig sabihin ang boto ni Juan, na klarong ibi­nigay niya kay VP Leni, ay hindi na mabibilang para kay VP Leni. Kagaya rin ng mga boto nila Maria at Jose. Naghain na ng motion ang kampo ni VP Leni noong ika-5 ng Abril, ngunit hindi ito pinanigan ng PET.

Kaya nitong Huwebes, naghain muli ng motion for reconsideration ang kampo. “The reason why we’re here this morning is to respectfully file our motion for reconsideration. Hinihingi po natin sa Korte na i-reconsider iyong kanyang naging desisyon, at ang hinihingi lang naman po natin, bigyan tayo ng patas na laban,” kuwento ni VP Leni.

“Ang hinihingi po natin, na kung ano iyong batayan noong pagbilang ng mga boto noong eleksiyon, at kung ano iyong batayan ng pagboto ng lahat ng kandidato, iyon din sana iyong batayan na gamitin sa atin.

Ang dahilan po ng manual counting ng votes ay para malaman iyong katotohanan,” dagdag niya. Tandaan natin na ang recount na ito ay dala ng mga reklamo ng pandaraya raw kay Mr. Marcos para sa pagka-bise presidente. At ang recount na ito ay para mabilang muli (tandaan, mabilang muli — hindi panibagong pagbibilang) ang mga boto.

Kung babaguhin natin ang mga pamantayan at gawing iba sa ginawa natin noong 2016, paano ito magiging makatarungan hindi lang para kay VP Leni kung hindi para sa libo-libo nating mga kababayang ginampanan ang kanilang tungkulin bilang Filipino? Nanakawan na dati ang ating bayan — naghirap tayo dahil sa kasakiman ng mangilan-ngilan.

Sana huwag tayong pumayag na manakawan muli, lalo na ngayong karapatan ang gusto nilang apakan.