Una sa Balita

Bantay-budget sa bantay-salakay

0 479

Sa Senado, dumaraan na kami nga­yon sa panahon ng pagbusisi ng hinihinging budget ng bawat ahensya ng pamahalaan para panggastos nila sa taong 2020.

Palibhasa’y puro numero ang tinatalakay – may milyon, bilyon at trilyong piso pa kung kabuoang budget ng Pilipinas ang pag-uusapan – marami ang hindi pumapansin sa usapin. Hindi interesado ang topic, nakakaantok kumbaga.

Subalit sa mga sumusubaybay sa debate namin sa Senado na mapapanood nang live sa senate.gov.ph kung may internet kayo, sa pagitan ng mga diskusyon ng naglalakihang pondo para sa ope­rasyon ng bawat departamento at mga proyekto nila, may manaka-naka tayong natitisod na detal­yeng kailangang linawin.

Ano ba ang pakialam ng ordinaryong tao diyan sa budget na ‘yan?

Kailangan nating makialam dahil ang bawat sentimo sa hinihinging P4.3 trilyong budget ng gobyerno para sa taong 2020 ay nagmula sa bulsa ng bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis. Buwis na kinolekta sa atin bawat suweldo; sa bawat pa­karga ng gasolina, diesel at kerosene; sa bawat kain natin sa restoran; sa bawat bayad natin sa amilyar; sa bawat bili natin ng groce­ries at gamot; sa bawat bayad natin ng kuryente, tubig, telepono at cable.

Noong magsimula ang deliberasyon ng budget sa Senado, marami na tayong pinuna at hini­nging paliwanag tungkol sa paggamit ng naibigay na budget. Halimbawa:

• Nasaan na ang 1.7 milyong halamang itinanim gamit ang P39 bil­yong pondong ibinigay natin sa National Greening­ Program ng DENR?

• Ngayon na maraming bansa sa buong mundo ang naglalaan ng 2% ng kanilang GDP para sa kanilang national defense, bakit ang Pilipinas ay 1% lamang ng GDP ang inilalaan sa ating national defense? Kailangang dagdagan na ‘yan upang tumibay ang kakayahan nating pairalin ang kapa­yapaan at depensahan ang kaligtasan ng bansa.

• Tanong natin sa Department of National Defense: Hindi ba kayo nababahala na 40% ng National Grid Corporation of the Philippines, ang namamahala sa ope­rasyon ng kuryente sa Pilipinas, ay pag-aari na ng State Grid Corporation of China, pag-aari ng bansang China? China ang nagpapatakbo ng kur­yente ng buong Pilipinas, at lahat ng equipment na ginagamit sa operasyon ay pawang Chinese characters ang nakasulat kaya’t hindi kayang i-operate ng Pilipino.

• Tapyas sa pondo ng DOH na kung ‘di natin naabutan ay maaaaring magresulta sa pagkawala ng trabaho ng 7,107 nur­ses sa mga pampublikong ospital. Nasilip natin ito at nagawan ng paraan na maibalik ang kinaltas na pondo.

• Kawalan ng nakalaang pondo sa DAR upang patawarin na sa pagkakautang ang lahat ng agrarian reform be­neficiaries na nabigyan ng lupa subalit hindi nakakabayad. Hahanapan natin ng kaukulang pondo ito sa mga darating na araw upang tuluyan nang mapasakamay ng magsasaka ang lupang naipagkaloob sa kanila.

• Dalawang taon matapos ipag-utos ni Pangulong Duterte na madaliin ang paggawa ng National ID para sa bawat Pilipino, wala ni isang ID pa ang naiimprenta.

Ito at marami pang iba ang mga usaping pumutok at tinututukan natin sa araw-araw na paghimay natin sa budget ng bansa. Pasensya na po kung mas­yado tayong matanong. Pera po kasi nating lahat ‘yan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy