Una sa Balita

Banta sa kapayapaan!

By
0 640

Umigting sa pinakamataas na lebel ang tensiyon sa pagitan ng relasyon ng Russia at Estados Unidos kasama ang Britanya at mga bansang kaal­yado resulta ng insi­dente ng ‘nerve gas poisoning’ sa isang dating Russian double agent at anak nito.

Naganap ang insi­dente noong March 4 sa Salisbury, England.

Sa loob lamang ng isang buwan ang maramihang pagpapauwi ng mga diplomata ng mga nabanggit na bansa ay naganap, bagay na hindi nangyari sa katindihan o kasagsagan ng panahon ng ‘Cold War’.

Ayon sa London, ang Russia ang nasa likod ng panglalason, bagay na itinanggi at kinondena kaagad ng Kremlin.

Mistulang pinagtulungan ng mga Kano at Briton ang mga Ruso. Unang pinatalsik ang mga diplomatang Ruso kasama ang mga pamilya na nasa London at Washington.

Kung sa panahon ng ‘Cold War’ ay hindi nagpatinag ang Kremlin ngayon pa kayang sa panahon na ito.

***

Normal lang ang ginawa ng Moscow sa pagpapatalsik sa mga American at British diplomat.

Alangan namang manahimik na lang ang mga Ruso sa ginawa ng Britanya at Estados Unidos laban sa mga diplomata nito.

Dahil sa insidente ng ‘nerve gas poiso­ning’ na wala pang malinaw na ebidensiya kung ang Kremlin nga ang may kagagawan, nagising muli ang ‘hidwaan’ sa pagitan ng ‘East at West’.
Tila may grupo na nang-uudyok para mahating muli ang mundo.

***

Bakit nga ba ayaw sagutin ng Britanya ang tanong at kahili­ngan ng Foreign Ministry ng Russia?

Bakit daw nakikialam ang Pransiya sa imbestigasyon?

Bakit ayaw ipakausap sa mga Russian official si Yulia Skripal, anak ng double agent na si Sergei Skripal?

***

Kung nagkakaroon ng tinatawag na ‘diplomatic row’ sa pagitan ng Moscow at Washington, sa kabilang banda naman ay tumitindi rin ang ‘trade war’ sa pa­gitan ng Estados Unidos at China.

Dahil sa ipinatupad ni US President Do­nald Trump na ‘taripa’ sa bakal at aluminum mula sa China, gumanti naman ang Beijing sa pagpapatupad ng ‘trade sanctions’ sa ilang ini­importang produkto mula sa America.

Hindi maganda ang mga senyales na ito. Ang pagigting ng tensiyon sa pagitan ng Rusya at Estados Uni­dos sa udyok ng Bri­tanya at ang nakaumang na ‘trade war’ sa pagitan ng Beijing at Washington ay banta sa kapayapaan ng daigdig.