Una sa Balita

Bangon Marawi

By
0 6

Isang daan at apatnapu’t isang araw na ang bakbakan sa Marawi City. Nagsimu­la ang gulo noong ika-23 ng buwan ng Mayo.

Makailang beses na ring nagtungo ang Pangulong Duterte sa napakagandang lungsod, noong hindi pa winasak ng giyera.

Ayon sa Pangulo bubuhusan ng malaking pera ang rehabilitasyon ng Marawi City. Ang ‘international community’ nangako din ng tulong sa pagbangong muli ng lungsod.

Bangon Marawi. Ma­laking hamon ito, hindi lamang sa gobyernong Duterte, kundi gano’n na rin sa Muslim community, partikular sa mga Maranaw, dahil una sa lahat sila ang naapektuhan ng kaguluhan.

Hindi lamang ang pisikal na kaanyuhan ng lungsod ang dapat manumbalik. Ang emosyonal at sikolohikal na aspeto ng rehabilitasyon ng komunidad ay napakahalaga.

Ayon sa ilang NGO na nakapasok sa Marawi City, ang tinatawa ng ‘psycho-social intervention’ para sa mga residente, lalo na ng mga biktima ay lubhang kailangan.

Kailangang manumbalik na muli ang pisikal na kagandahan ng Marawi, higit lalo sa lahat ang pagbangong muli ng mga Maranaw.

Malalim ang ‘trauma’ na idinulot ng bakbakan. Agad sanang maghilom ang sugat, at manaig ang kapayapaan sa pagba­ngong muli ng Marawi City.

***

Naganap na ang balasahan sa Bureau of Customs, walong district collector at tatlumpong mga section chief ang unang nasampolan.

Ayon kay Commissioner Isidro Lapeña, la­yon ng kanyang hakbang ay para mapabilis ang transaksiyon sa ahensiya at mabawasan kung hindi man ay tuluyan nang matuldukan ang katiwalian sa Bureau.

Katulad ng ibang nagdaang Commissioner, si Lapeña ay may bitbit ding mga sariling tao – mga mapagkakatiwalaang mga tao. Hangad natin na magtagumpay si Heneral at hindi matulad sa mga nauna sa kanya.

***

Nagmamalaki ang mga mambabatas na nagsulong na wala nang ‘expiry date’ ang mga ‘gift certificate’. Mara­ming salamat po…

Mas masaya, kung busisiin na rin ng Kongreso ang ‘expiration’ ng mga ‘ load’ sa prepaid cell phone’.

Grabeng magharang at mangholdap ang mga telcos. Kapag nagpa-load ka ng sampung piso (P10) at hindi mo nagamit ng ilang araw, bigla na lang nauubos.

Kung kailan mo kailangan, hindi mo magagamit ang load mo dahil nilamon na ng telcos.

Milyun-milyon ang mga Pilipino na may prepaid cell phone, siguradong paldung-paldo ang mga telcos…

***

Sana hindi ‘ningas-cogon’ ang pinakahuling aksiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga nangongontratang taxi driver.

Patunay lamang na nasa kalsada pa rin ang mga buwaya at manlalamang sa kapwa.

Go lang Atty. Lizada, mabawasan man lamang ang mga hindi patas sa kalsada.