Una sa Balita

Bangon Batangas!

0 329

Bilang kasapi ng Taal Lake Yatch Club, natuklasan natin ang paglalayag noong 2012, at simula noon ay regular na ang ating pagpunta sa Taal Lake. Malinis na hangin, malinaw na tubig, masarap na ta­wilis at magandang tana­win kaya panay ang balik natin sa lawa ng Taal.

At sa look ng mahabang panahon na ito, nakilala at naging kaibigan natin ang ilang residente ng Talisay ­Batangas, ang lugar ng ­yatch club. Sa tuwing pagbisita ­natin ay nakakahuntahan ­natin sila, lalo na hinggil sa b­uhay-buhay sa Taal.

Sa paglalayag sa Taal, nakaabot na tayo sa Balete, Mataas na ­Kahoy, at Pansipit. ­Literal na tayong ­nakapaglayag sa ilalim ng anino ng ­bulkang Taal.

Laging gulat natin nang makita sa social media ang pagputok ng Taal Volcano noong ­Enero 12, Linggo, alas-dos nang hapon. Pagdating nang alas-sais, nagsimulang dumapo ang abo ng ­bulkan sa Parañaque.

Una nating naisip ang mga kakilala at kaibigan sa Talisay, na sa pamama­gitan ng text message at viber ay agad naman ­natin naka-ugnayan. Pagdating nang Lunes, ito na po ang nasagap natin mula sa kanila:

• Madilim ang lugar dahil sa kapal ng abo.
• Umulan ng bato mula sa bulkan.
• Nag-init ang tubig; patay ang mga isda.
• Buo pa ang bahay nila kahit may abo sa bubong.
• Hanggang bukong-­bukong ang putik sa kalsada pagkatapos ­umulan.
• Inilikas ang mga bakwit sa Talisay plaza papunta sa Sto. Tomas.

Isang linggo ang nakalipas, umaabot na sa 16,000 pamilya ang inilikas sa higit 300 evacuation centers. Tinatayang 70,000 na indibidwal ang nakatira sa mga gym, paaralan at multi-purpose building sa ­paligid ng Batangas, Cavite at Laguna. Kasama na rito ang aking mga kakilala at kaibigan.

Bumuhos naman ang mga tulong mula sa gobyerno at mga ordinar­yong mamamayan. ­Kahapon araw ng Linggo, ­dagsa ang mga sasakyan sa SLEX na may mga lamang relief goods para sa mga nasalanta ng pagsabog ng Taal Volcano.

Sa huling kausap sa telepono sa isang kaibigan, ganito ang nasabi niya, “Naiyak ang aking anak nang habang nakapila para sa relief goods. Parang naaawa sa ­sarili. Ang sabi ko nama’y ­maigi at buhay tayo at kaya pang pumila.”

“Nakakaraos pa ­naman kami dito dahil sa tulong ninyo. Ang ina­alala ko ay ang pagba­ngon namin pagkatapos nito,” dagdag pa niya.

Eksakto ang tinuran niya. Bukod sa pagkain, damit, gamot atbp, na­ngangailangan din ang mga biktima ng tulong para harapin ang kanilang emosyon. Malaking dagok sa kanilang pagkatao ang makita ang sariling pumipila’t nanghihingi ng awa para sa kanilang pangangaila­ngan. At ang panga­ngailangang ito ay magtutuloy hanggang sa sila’y makabalik na sa kani-kanilang tirahan.

Mahaba ang magi­ging rehabilitasyon mula sa pinsala ng ­bulkan. Wala pang makapagsasabi kung ­hanggang kailan. Bagama’t ­bumubuhos ang mga ­ayuda sa unang ­linggo, dapat pagplanuhan kung papaano ­mapapanatili ang tuloy-tuloy na tulong na pangmahabaan. Nakita na natin sa mga nagdaang sakuna na humihina ang dating ng mga tulong sa kina­launan kung kailan mas kailangan ng mga ­biktima ang mga ito para makabangon at maka­balik sa regular na ­pamumuhay.

Ngayon pa lamang siguro sa ating mga nagbibigay at nangangalap ng tulong, maghanda na tayo para sa mahabang rehabilitasyon.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More