Una sa Balita

Bangkay umalingasaw sa barangay

0 430

Naging susi ang masangsang na amoy sa pagkakadiskubre sa bangkay ng isang lalaki na nag-iisa na lang namumuhay sa kanyang tahanan sa Brgy. Marikina Heights sa Marikina City kamakalawa.

Sa ulat ng Marikina City Police, alas-5:30 Linggo nang madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Jun Amon, 55-anyos, sa loob ng kanyang tahanan sa 51 East Drive St., Asiatic Estate, Brgy. Marikina Heights.

Nabatid na naglalakad sa harapan ng bahay ng biktima ang testigong si Ernesto Laguisma, nang malanghap ang masangsang na amoy.

Sinundan ni Laguisma ang pinagmulan nito hanggang nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa sahig ng garahe malapit sa main door ng taha­nan, kaya’t kaagad na iniulat sa awtoridad.

Lumalabas na huling nakitang buhay ang biktima noong Nobyembre 6, 2019 pa matapos na bigyan siya ng tinapay ng kanyang kapitbahay.

Natuklasan rin ng mga awtoridad mula sa mga kapitbahay ng biktima na mag-isa na lamang itong naninirahan sa naturang lugar matapos umanong iwa­nan ng kanyang pamilya may ilang taon na ang nakakalipas.

Ayon sa mga awtoridad, isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito dahil hindi masiguro sa inisyal na imbestigasyon kung mayroon itong external injury. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy