Una sa Balita

Bangkay ng Pinay DH na ginahasa, dumating na

By
0 12

Humagulgol at halos himatayin ang mga kamag-anak nang duma­ting kamakalawa ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ang bangkay ng isang Pinay na umanoy pinahirapan at ginahasa sa Saudi Arabia.

Dakong alas-nuwebe ng gabi nang lumapag ang Oman Air na kinalulunan ng labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Irma Edloy, 35, taga Novaliches, Quezon City at namasukang domestic helper sa Jeddah Saudi Arabia.

Hindi mapigil ang pamilya ni Edloy sa pag-iyak lalo na ang asawang si Jonald Jotojot, dalawang anak at kapatid ni Irma na si Mayet Avila na sumalubong sa bangkay ng OFW.

Ayon kay Jotojot, matagal na nilang hinintay ang pag-uwi ng kanyang asawa sa Pilipinas subalit ang masakit nito ay umuwi ito na isa nang bangkay.

Hindi naniniwala ang mga kaanak ni Edloy na natural death ang sanhi ng kamatayan niya sa Saudi Arabia kaya’t desido silang ipa-autopsiya ang labi nito.

Sa report na-stroke si Edloy sa Saudi matapos makita sa ospital ang kanyang Saudi employer na gumahasa umano sa kanya.

Kwento ni Jotojot, Hul­yo 30 nang pumunta sa Riyadh si Irma para magtrabaho bilang domestic helper.

Ngunit, nagulat na lamang sila nang maba­litaan na nasa ospital na si Irma na ilang linggo pa lang ang nakalipas nang makarating siya sa Saudi.

Base sa nakuhang dokumento ni Jotojot, na nakasaad sa medical report na Agosto 10 nang pumunta si Irma sa isang ospital sa Saudi at sinabing nagahasa umano ito.

Agosto 14 nang dalhin naman siya sa ospital ng ambulansya at lumabas sa pagsusuri na may mga pasa siya sa bahagi ng kaliwang panga at may dugo rin sa ihi.

Kinabukasan ay ipinasok si Irma sa intensive care unit o ICU at natuklasang may pneumonia ito at na-comatose.

Giit pa ni Jotojot, naniniwala sila na binugbog at ginahasa ang kanyang asawa.

Sinabi pa ni Jotojot na dating kasambahay sa Makati City si Irma at pumunta ito sa Saudi matapos pangakuan ng 400 US Dollars na buwanang suweldo.

Nagpapasalamat naman ang kapatid ng biktima na si Mayet sa isang Pinoy nurse na nasa Saudi na siyang nagmalasakit kay Irma habang nasa ospital at lahat ng kalagayan ni Irma ay inihahatid nito sa kanya. (Itutuloy)