Una sa Balita

Bangkay ng OFW, napabayaan

By
0 17

Patuloy pa ring sumi­sigaw ng hustisya ang mga kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait matapos itong mamatay at maiuwi ang bangkay na kalunus-lunos ang itsura sa isang bayan sa Nueva Ecija.

Noong Hulyo 23 dakong alas-nuebe ng umaga nang ihatid sa kanyang huling hantungan si Teresa Quedding, 38-anyos, domestic helper sa Kuwait na umano’y biktima ng pagmamaltrato.

Hunyo 22 ng taong kasalukuyan nang makatanggap ng balita ang pamilya ni Quedding na namatay na ang ginang sa mismong bahay ng kanyang amo sa Kuwait.

Sa pagtawag ng Abante kay Reshiel Taquil, 24 stepdaughter ng biktima, tubong Maybubon Gimba, Nueve Ecija, sa pamamagitan ng cellular phone, sinabi nito na base sa natanggap nilang medical certificate mula sa Ministry Hospital sa Kuwait, atake sa puso ang ikinamatay ng kanyang ina noong Hunyo 22 ng umaga.

Subalit giit nila na posibleng mayroong nangyaring foul play sa pagkamatay ng kanyang ina dahil sa nakita nilang mga pasa nito sa leeg.

Nabatid na nitong Hulyo 14 nang duma­ting ang labi ng OFW sa kanilang probinsiya na sa halip na nasa kabaong ay nakasilid lamang ito sa isang malaking plastic nang kanilang madatnan sa puneraria.

“Kinawawa nila ang nanay ko, hindi po nila inilagay sa kabaong nang dalhin ito sa ­aming probinsiya, nakasilid lamang ito sa isang mala­king plastic nang aming makita sa isang pune­raria na pinagdalhan dito” maiyak-iyak na pahayag ni Reshiel.

Ikinasasama pa ng loob ng pamilya ng OFW na halos isang buwan bago naiuwi ang bangkay ng kanilang ina at kalunus-lunos pa nang maabutan nila sa isang puneraria .

Sa nauna pang report na nakarating sa kanila nang dalhin na sa Pilipinas ang labi na wala na itong mga vital organs, mulat ang mga mata at nakanganga pa ito.

“Agad po namin pina-awtopsiya ang labi ng nanay ko dahil sinasabi ng pinagdalhan na pune­raria na wala na ang mga internal organs nito,” ani pa ni Reshiel.

Upang makasiguro ang pamilya ng ginang ay muling ipinasailalim sa awtopsiya ang labi ni Quedding sa Semario Funeral Homes sa may Nueva Ecija.

Dito na nakitang kumpleto naman ang mga internal organs nito at walang katotohanan ang naunang ulat na tinanggal ang mga lamang-loob nito.

Naniniwala ang pamil­ya ng DH na pinaslang ang kanilang ina at hindi sila naniniwalang inatake sa puso ang naging dahilan ng pagkamatay nito.

Balak nilang kasuhan ang ahensiya na humahawak sa employer ni Quedding sa Kuwait na Jabrah Al-Khaldy Manpower Recruitment Agency dahil ayon sa mga anak ng biktima, nangako raw sa kanila ang agency na maayos na maiuuwi ang bangkay ng kanilang ina na hindi naman tinupad.

Nabatid na limang anak ang naiwan ni Ginang Quedding at isang miyembro ng CAFGU at nakatalaga sa Mindanao ang kanyang live in partner na Ernesto Taquil, 48.

Hindi naman nabigo ang pamilya ng OFW sa pagbibigay ng tulong ng pamahalaan partikular na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Welfare Worker Administration (OWWA) na kung saan agad silang inasikaso at ibinigay ang mga benepisyo na dapat tanggapin bilang miyembro ng OWWA.

Maging ang grupo ng Migrante ay personal na nakipag-usap sa pamilya ng biktima at nangakong tutulong sila sa pag-aayos ng mga papel at paglapit sa iba’t ibang ahensiya upang agad maresolba at mabigyang hustisya ang kaso at pagkamatay ni Ginang Quedding. (Kate Aguilar)