Una sa Balita

Bangkay ng Japanese national umalingasaw sa Alabang condo

0 565

DAHIL sa umaalingasaw na masangsang na amoy, nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng isang matandang lalaking Japanese national sa loob ng kanyang tinitirhang condominium sa Muntinlupa City kamakalawa nang gabi.

Sa pamamagitan ng nakuhang Japan passport, nakilala ang biktimang si Akio Muraki, 71, nanunuluyan sa Room 505, 5th Floor, Vivant Flats Condominium, Parkway Avenue, Filinvest, Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod.

Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Gerry Umayao, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-10:10 ng gabi nang madiskubre ang naaagnas na bangkay ng biktima sa comfort room mismo sa loob ng condo unit nito sa nabanggit na lugar.

Ayon sa guwardiya na nakilala lamang sa apelyi­dong Ybañez habang siya ay naka-duty ay naamoy nito ang umaalingasaw na masamang amoy na nagmumula sa unit ng condo ng dayuhan.

Dahilan upang alamin niya kung saan nagmumula ang mabahong amoy at dito niya nalaman sa loob ng unit ng biktima sa Room 505.

Kung kaya’t kaagad na ini-report ito ni Ybañez sa tanggapan ng Brgy. Alabang, na nirespondehan naman ng mga tanod at pulisya.

Puwersahang binuksan ng mga awtoridad ang pintuan ng unit ng dayuhan at dito nila nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng biktima.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang pagsisiyasat ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) hinggil sa dahilan ng kamatayan nito.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Our Lady of Loreto Funeral Homes upang isai­lalim sa awtopsiya. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy