Una sa Balita

Bangkay ng 2 sa 3 bata sa Tullahan River, lumutang

By
0 96

MATAPOS ang halos da­lawang araw na retrieva­l operation ng mga rescuer, natagpuan na ang mga bangkay ng dalawa sa tatlong batang lalaki na nalunod sa Tullaha­n River, noong Linggo nang gabi.

Unang nakita ng mga tauhan ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction Management Office (VCDRRMO) at ng kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang batang si Guillian ‘Ian’ Salud, 10-anyos, makaraang lumutang sa gilid ng Tullahan Bridge, dakong alas-2:07 kahapon nang madaling-araw.

Napahagulhol ng iyak sa labis na pagdadalamhati ang ina niyang si Nellie na siya mismong kumilala sa anak, nang iahon sa gilid ng ilog ng mga rescue­r ang katawan ng bata.

Makalipas ang isang oras at kalahati ang bangkay naman ni Kerby Tejadilla, 11-anyos, ang nahanap ng BFP at VCDRRMO, na ilang metro lamang ang layo sa pinagkitaan kay Ian.

Nag-iyakan din ang kanyang mga magulang matapos makumpirma ni Annaliza Tejadilla, na ito na ang kanyang anak.

Labis din ang kanilang pagdadalamhati dahil hindi pa nakikita ang anak nitong si Rhenier, 13-anyos, na patuloy pa ring pinaghahanap ng mga rescuer.

Ayon sa BFP at VCDRRMO, posibleng tinangay na patungong Malabon si Rhenier dahil tiyak na lulutang din ito gaya ng dalawang bata, sapagkat mababaw na ang tubig sa Tullahan River sanhi ng dalawang araw ng hindi umuulan.

Magugunita na tinangay ng malakas na agos ng tubig ang tatlong bata, makaraang maligo sa Tullahan River noong Linggo ng alas-4:48 nang hapon.

Samantala, naglaan na tig-P7,000 ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela para sa pamilya ng mga namatayan.

May batas sa Valenzuela City na nagbibigay ng P7,000 financial asistance sa sinumang residente ng lungsod na papanaw at P9,000 naman sa mga senior citizen na magmumula sa pondo sa city hall.

Ayon kay Public Information Officer Zyan Caina, magdadagdag pa si Mayor Rex Gatcha­lian ng tulong lalo na sa ganitong uri ng aksidente.

Sa ngayon, patuloy la rin ang retrieval ope­ration para mahanap si Rhenier.