Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bangka tumaob, 16 sakay nasagip

0 57

Nailigtas ang 16 katao, kabilang ang anim na bata, matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangkang de motor nitong Sabado sa karagatan sakop ng Sulu, ayon sa ulat ng 4th Marine Brigade kahapon.

Sa ulat ni Col. Hernanie Songano, Joint Task Group-Sulu at 4th Marine Brigade (4MBde) commander, nasagip ang apat na crew at 12 pasahero ng MB Bonga­rita, Hulyo 24 ng gabi matapos na tumaob ito pasado alas-dos ng hapon sa karagatan sa pagitan ng Bakungan Island sa Patikul at Tambangan Island sa Luuk sa nasabing lalawigan dahil sa sama ng panahon at nag­lalakihang alon sa dagat.

Napag-alaman na nakatanggap ang 4MBde ng distress call sa kapitan ng nasabing bangka dahilan upang agad silang rumesponde.

Ayon kay Songano, pagdating nila ng lugar ay hinihila na ng isang civilian watercraft ang MB Bongarita subalit dahil sa lakas ng hangin at naglalakihang alon ay minabuti nang ili­pat ang mga nasagip na pasahero sa MPAC para sa kanilang kaligtasan.

Ang motorboat ay nagmula sa Barangay Kanaway, Parang, Sulu at patu­ngo sana ng Malamawi Island, Isabela City sa Basilan nang magkaroon ng problema ang makina nito dahil sa pagsalpok ng naglalakihang alon dulot ng sama ng pana­hon. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.