Una sa Balita

Bangis ni Pacquiao nagbalik

WERPA!

By
0 3,669

PINATUNAYAN ni Manny Pacquiao na hindi pa siya laos matapos ang nakakabilib na performance tungo sa kanyang seventh round technical knockout victory laban kay Lucas Matthysse kahapon sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Inangkin ni Pacquiao ang World Boxing Association welterweight crown sa kanyang u­nang laban sapul nang matalo sa Australyanong si Jeff Horn sa Brisbane, Australia noong nagdaang taon.

Sa unang round pa lamang, agad nagparamdam si Pacquiao ng kanyang bangis sa pamamagitan ng matutulis na suntok na pawang tumama sa mukha ni Matthysse.

Abante Hiring – IT dep

Nagmistulang isang bata at agresibong Pacquiao ang namalas ng mga boxing fan dahil nagbalik ang bilis nito, bagay na ikinagulat ng kalaban.

Bawat round, maraming suntok na pinakawalan ni Pacquiao na ininda naman ng kampeon.

Sa ikalawang round, tinangka ni Matthysse na makipagsabayan sa Filipino boxing icon subalit hindi ito umubra dahil walang patid ang pagpapakawala ni Pacquiao ng kumbinasyon sa katawan at ulo ng kalaban.

Sa ikatlong round, muling nagbitaw ng kumbinasyon si Pacquiao sa ulo ni Matthysse dahilan para bumagsak ito.

Bumangon si Matthysse subalit muli siyang pinaulanan ng suntok ng hanggang sa huling minuto ng round.

Dumipensa si Matthysse sa ikaapat hanggang sa ikalimang round subalit patuloy pa ring pinuntirya ni Pacquiao ang mukha ng kampeon.

Kahit na nag-counter punches si Matthysse, hindi rin ito umubra sa Pinoy ring icon dahil sa paiba-ibang diskarte ni Pacquiao.

Sa ikalima na round, kumana ng hook si Pacquiao sa taas ng ulo ni Matthysee kaya napaluhod ito ng ilang sandali.

Patuloy pa rin ang paghataw ni Pacquiao sa ikaanim na round hanggang sa mapansin nitong nanghina na ang kampeon na muntikan pang bumagsak sa nasabing round.

Pagdating ng ikapito, ilang beses na napahinto ang Argentinian champion dahil sa malalakas na suntok na tinanggap nito sa tinaguriang ‘fighting Senator’.

Ang solidong uppercut na pinakawalan ni Pacquiao ang nagpabagsak kay Matthysse sa ikatlong pagkakataon na dahilan para itigil ni referee Kenny Bayless ang laban.

Iyon ang unang KO victory ni Pacquiao sapul noong 2009 kontra kay Miguel Cotto ng Puerto Rico. Naitala din niya ang kanyang pang-60 panalo laban sa pitong talo at dalawang tabla.