Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Banggaang US at China sa May 9 election

0 141

Maraming political analyst ang nagsasabi na ang halalan sa darating na Lunes, May 9, ay isang ‘proxy war’ sa pagitan ng Estados Unidos at ng Tsina.

Ang hangarin ng dalawang superpower ay upang ipakita kung sino sa kanila ang mas may impluwensiya sa Pilipinas, isang bansa na nakatayo sa napaka istratehikong lokasyon sa buong Asia-Pacific region.

Kung pagmamasdan maigi ang mapa ng mundo, makikita ang Pilipinas na pinagigitnaan ng dalawang malalaking dagat na dominado ng dalawang higanteng puwersa – ang South China Sea sa kaliwa at ang Pacific Ocean sa gawing kanan.

Habang may pitong dekada na tayong kaalyado ng Amerika, mabilis naman lumaganap ang impluwensiya ng Tsina simula nang maupo sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte noong 2016.

Binuksan ni Duterte ng buong-buo ang pintuan ng Pilipinas para sa Tsina at mas pinili nitong isa-isantabi ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa The Hague na nagbasura sa malawakang pang-aangkin ng Beijing sa kabuuan ng South China Sea.

Bilang pangulo, maraming naging desisyon si Duterte na pumabor sa Tsina gaya na lamang ng pagpapasok ng mga Chinese state-owned companies na ilan dito ay nasa “block list” ng US State Department.

Dumagsa din ang milyong Tsino na ginamit na dahilan ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) kahit pa sinasabi ng Tsina na ilegal ang sugal sa kanilang bansa. E ano yang mga yan, mga espiyang sundalo?

Sino nga ba ang manok ng Amerika at ang tinatayaan ng Tsina?

Sa huling yugto ng kampanyahan, malinaw naman na dalawa na lang ang naglalaban sa pagka pangulo, si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at si Vice President Leni Robredo.

Saksi itong si Bongbong sa pagkakatatag ng relasyong diplomasiya sa pagitan ng Pilipinas at Tsina na nangyari sa panahon ng kanyang ama na si Ferdinand Sr. Sa katunayan, ang mga video ng kanilang pagbisita sa Tsina kasama ng kanyang ina na si Imelda ay kumalat sa Youtube. Kasama dito yung tagpo na kanilang binisita si dating Chinese leader Mao Tse Tung.

Ilang buwan bago magsimula ang kampanya, naimbitahan pa itong si Bongbong sa Embahada ng Tsina sa loob ng Dasmarinas Village kung saan ipinarada ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang ilang larawan ng pagbisita ng pamilya Marcos sa Tsina mahigit apat na dekada na ang nakakaraan.

Bago pa magkampanyahan, naglabas din ng press release ang Embahada ng Tsina kung saan makikita itong nagdedeliver ng tone-toneladang bigas para sa Ilocos Norte.

Isang ‘marites’ ang nagbulong sa atin na ilang malalaking Chinese state-owned companies ang umano’y yumuyungyong sa isang gusali sa Taguig na pag-aari umano ng mga Marcos. Ito ay bineberipika pa natin habang isinusulat ang kolum na ito.

Sa kaso naman ng mga Amerikano, di naman kaila ang naging role ng mga ito sa pagpapatalsik kay Marcos na humantong sa isang ‘People Power’ noong 1986.

Pagdating sa plataporma ukol sa South China Sea, tila ipagpapatuloy lamang ni Bongbong ang inumpisahan ni Duterte na pakikipagkaibigan sa Tsina at patuloy na pagbasura sa Arbitral Award.

Bagamat handa ang Estados Unidos na pag ibayuhin ang relasyon nito sa Pillipinas sino man ang magwagi sa Mayo 9, mas pabor sa kanila kung si Robredo ang manalo. Ito ay dahil na rin sa mas malinaw na plataporma at paninindigan nito lalo na sa usapin ng South China Sea at pagkilala sa karapatang pantao.

Kahit pa malapit na kapit-bahay natin ang Tsina sa rehiyon, di maiwasan na maraming Pilipino pa rin ang naniniwala na ito ay banta sa seguridad ng bansa.

Bunsod na rin ito ng mga kahina-hinalang ikinikilos ng Tsina sa South China Sea at ang panaka-nakang pandadahas nito sa ating mga mangingisda at nagpapatrolyang barko ng Coast Guard.

Ipinakikita din ng mga nakalipas na survey na malaking mayorya pa din ng mga Pilipino ang mas tiwala sa mga Amerikano kesa sa mga Intsik.

Kaya ang ‘geopolitics’ sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina ay sasalamin sa magiging resulta ng halalan sa Mayo 9. Hindi man ito katanggap-tanggap sa iba, ito ang reyalidad na ating kinalalagyan ngayon.

Sa Pula ka ba o sa Rosas? Hoy Juan, bumoto ka ng tama!

Leave A Reply

Your email address will not be published.