Una sa Balita

Bandila ng China winagayway sa Batasan

By
0 1,842

TAKAW-PANSIN nitong Lunes ang mga watawat ng China sa loob ng Batasang Pambansa Complex kasabay nang pagbisita ng isang mataas na opisyal ng Chinese Communist Party (CCP) sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso.

Sa video na kuha ng Abante, makikita ang matayog na pagwagayway ng mga watawat ng China kasabay ng mga bandila ng Pilipinas sa harap ng main building ng Kamara kasabay ng pagdating Ji Bingxua, vice chairman ng National People’s Congress ng pamahalaan ng China.

Si Ji at kanyang mga kasamahan ay humarap at nagbigay pugay sa liderato ng Kamara sa pamumuno ni da­ting Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa source ng Abante, ito ang unang beses sa loob ng mahi­git isang dekada na may watawat ng dayuhang bansa sa loob ng Batasan compound. Ang huling beses na mayroong dayuhang bandila na nakataas sa loob ng Kamara ay noon pang Oktubre 2003, nang bumisita at nagsalita sa harap ng mga miyembro ng Kongreso ang dating pangulo ng Estados Unidos, na si George W. Bush.

Giit ni Inter-Parliamentary Relations and Special Affairs Bureau (IPRS) Director Edith Cardenas, normal lang umano ang pagbibigay ng parangal sa matataas ng opisyal ng ibang bansa na bumibisita sa Kamara gaya ni Ji.

Dagdag pa ni Cardenas, ang mga mataas na opisyal ng pamahalaan ay nakakatanggap din ng parehas na VIP treatment kapag sila’y pana­uhing pangdangal sa ibang bansa.

Ang delegasyon ni Ji ay nakipagpulong kay Arroyo at tinalakay ang mga iba’t ibang paksa sa pagitan ng dalawang bansa kagaya ng agrikultura, kalakalan, edukasyon, impraestruktura, kultura, at sining.
Agaran ding inalis ang mga watawat ng China pag-alis ng grupo ni Ji. ()