Una sa Balita

Baluktot na hustisya

0 563

Mainit ang debate sa mga nakaraang araw tungkol sa balitang maagang mapapalaya ang dating mayor ng Calauan, Laguna, si Antonio Sanchez, na noong 1993 ay nahatulan ng pitong sentensiya ng reclusion perpetua (pagkakakulong mula 20-40 na taon) para sa panggagahasa at pagpatay sa estudyanteng si Eileen Sarmenta at ang kasama nitong si Allan Gomez.

Sa tingin ng marami, malaking pagbabaluktot ng hustisya ang pagpapalaya kay Sanchez, dahil sa karumal-dumal na krimen na kanyang ginawa. Lalo pa, dahil habang siya ay nakakulong ay ilang beses pa siyang nahulihan ng iligal na droga sa mismong loob ng kulungan.

Ang kaso ni Sanchez ay tumatayong simbolo ng pagkakabaluktot ng ating kasalukuyang sistema ng hustisya sa bansa. Kung saan ang isang taong may pera, may po­der, at may koneksyon, ay maaaring magamit ang teknikalidad sa batas para makaiwas sa tamang kaparusahan. Marami na ring bumanggit ng koneksyon ni Sanchez sa isang mataas na opisyal ng kasalukuyang administrasyon, ang taga­pagsalita ng Pangulo, si Secretary Salvador Panelo, na tumayong abogado ni Sanchez sa paglilitis nito para sa krimen laban kay Sarmenta at Gomez.

Ang mas malungkot, hindi lang ang kaso ni Sanchez ang halimbawa ng pagkukulang sa ating sistema ng hustisya. Isa sa pinaka ‘di makataru­ngang halimbawa ay ang kaso ni Senador Leila De Lima.

Kung si Sanchez ay halimbawa ng taong may sala na hinahayaang makaiwas sa kaparusahan, si Sen. Leila naman ay halimbawa ng taong walang sala na halos tatlong taon nang ginigipit at pinapahirapan.

Isipin natin, si Sen. Leila ay nakakulong batay lamang sa testimonya ng mga kilalang drug lord na kasalukuyang nakapiit sa Bilibid. Iligal na droga ang kinaso sa kanya, pero walang kahit katiting na droga ang naiprisinta bilang ebidensiya laban sa kanya, maliban sa kuwento ng mga convicted na drug lord ang ipinakita, ngunit siya ay halos tatlong taon nang nakabilanggo sa Crame.

Sa anong mundo ito maituturing na hustisya?

Ang pinakamalungkot, ang kaso ni Sen. Leila ay sumasalamin lamang sa kaso ng libo-libong mga Pilipino na nagiging biktima ng isang sistema ng hustisya na magulo, mabagal, at – kadalasan – malakas ang implu­wensiya ng korapsyon. At kahit marami nang nagsubok na ito’y baguhin at ayusin – bahagi na rito ang mga repormang itinulak ni Sen. Leila bilang kalihim at senador – marami pa ring kaila­ngang maayos para ito’y makapagbigay ng tunay na katarungan lalo na sa mga mahihirap at walang kapangyarihan.

At habang ganito ang ating sistema, paano tayo makakaasa na ang ordinaryong Pilipino ay magtitiwala sa ating pulis, sa ating mga piskal, at sa ating mga korte?

Umaasa pa rin naman ako na ang mga simbulong ito ng pagkabaluktot ng ating kasalukuyang sistema ng hustisya ay makapag-udyok sa ating mga kinatawan at opisyal na kumilos para ayusin ang kailangan. Dahil sa dulo, hindi lang ito para sa pakinabang ng sinumang personalidad, pero para sa kapakanan at seguridad nating mga Pilipino, na tumitingin pa rin sa batas para mabigyan tayo ng katarungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy