Una sa Balita

‘Baliw’ na nangunguha ng bata sa Pasig timbog

0 1,967

Nakaalerto ngayon ang Pasig City kaugnay sa gumagalang nangunguha umano ng bata matapos na maaresto ang isang lalaking nagpapanggap umanong sira ulo o baliw na yayayain at agad na kukunin ang makikitang bata, kamakalawa sa Brgy. San Joaquin, Pasig City.

Ayon kay Pasig City Mayor Bobby Eusebio, inalerto na ang lahat ng barangay sa Pasig City at maging ang mga residente na maging maingat at mapagmatyag sa anumang kahina-hinalang kilos ng hindi kilalang tao na makikitang gumagala sa kani-kanilang lugar.

“Dapat pong magkaroon ng pagtutulu­ngan ang bawat isa kaya inatasan ko ang lahat ng barangay na magtulu­ngan upang hindi na muli mangyari ang naganap na tangkang pangunguha ng bata sa San Joaquin,” ayon kay Mayor Eusebio.

Samantala, tiniyak naman ni Eastern Police District (EPD) Director CSSupt. Reynaldo Biay na naka-alerto ang lahat ng kapulisan sa EPD kasabay ng paglalagay ng check points sa mga ala­nganin lugar na posibleng pagparadahan ng van na umanoy nangunguha ng bata.

Batay sa report, isang limang taong gulang na batang babae ang tinangka umanong dukutin sa Barangay San Joaquin ngunit naudlot nang makita ng isang kaanak ng biktima, kamakalawa.

Inaresto si Romualdo Abalajon Jr y Tinagco, 49-anyos, walang trabaho at residente ng Constancia St., Makati City matapos isumbong ng mga residente na tangka umano nitong kunin ang batang itinatago sa pa­ngalang Mia.

Naganap ang insidente bandang alas-nuwebe kamakalawa ng umaga sa Villa Tupaz, San Joaquin nang mapansin ni Marie Vecino, 29-anyos, kapitbahay ng biktima, na paligid-ligid ang isang lalaki na tila baliw at may hinahanap o inaabangan.

Ilang minuto ang nakalipas ay lumabas ang batang si Mia at agad na hinablot ng suspek kaya nagsisigaw ang kapitbahay na si Marie at kinuha ang bata.

Dinala ang suspek sa Barangay hall ng San Joaquin at agad na inireport sa pulisya ang pangyayari.

Tinitingnan pa ng barangay sa closed circuit television (CCTV) camera kung kasama ang suspek sa umano’y gumagalang green van na may plakang XMM 507 na viral ngayong sa social media.

Nahaharap sa kasong alleged abduction ang suspek at kasaluku­yang nakakulong sa Pasig ­detention cell.