Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Balik trabaho mga magulang sa bukas eskuwelahan

0 147

Maraming mga magulang ang natengga sa bahay dahil ‘yung iba ay nawalan ng trabaho at ang iba naman ay pinili na lamang na manatili sa bahay para gabayan ang kanilang mga anak sa distance learning. Ngayon, sa desisyon ng ating pamahalaan na unti-unti nang buksan ang mga paaralan sa mga low-risk areas o kung saan kakaunti o walang kaso ng COVID-19, hinihikayat natin ang Inter-Agency Task Force (IATF) na masusing pag-aralan ang pagluluwag ng quarantine restrictions para dumami pa ang makapagbukas ng negosyo at makabalik na rin sa trabaho ang mga magulang.

Sa muling pagbubukas ng mga paaralan, makakabalik na rin sa trabaho ang mga magulang at muling sisigla ang takbo ng ekonomiya kasunod ng inaasahang unti-unting paglawak ng pagbubukas ng mga sektor ng transportasyon, service sector, at mga sangay na negosyo ng sektor ng edukasyon.

Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) kung saan napag-alaman na aabot sa 225 bilyong piso ang katumbas ng kitang nawala sa mga magulang na kumakatawan sa 11 porsyento ng mga manggagawang apektado ng pandemya sa School Year 2020-2021.

Base sa karanasang nakita natin, karamihan sa mga magulang ay napilitan ding manatili sa kanilang mga tahanan at napatigil sa paghahanapbuhay dahil kailangan nilang alalayan ang kanilang mga anak lalo na ‘yung mga nakatira sa lugar na sumailalim sa granular lockdown sa Metro Manila.

Related Posts

Sa pagsasaliksik na ginawa ng NEDA, aabot sa 41.4 trilyong piso ang katumbas na halaga ng epekto ng isinagawang quarantine sa kasalukuyan at pati na sa hinaharap.

Upang maibsan ito, iminungkahi ng inyong lingkod ang pagpapabilis ng pagpapabakuna sa mga manggagawa sa informal sector at mga self-employed na indibidwal upang makabalik na sila sa kanilang paghahanapbuhay o makahanap na agad ng kanilang bagong pagkakakitaan.

Sa datos ng National COVID-19 Vaccination Dashboard, napag-alaman na noong Setyembre 24, 2021 ay nasa 2,718,947 na ang kabuuang bilang ng indigent population o mahihirap na nasa ilalim ng A5 category ang nakatanggap na ng kanilang paunang bakuna samantalang ang mga nabigyan na ng second dose at single dose na bakuna ay umabot lamang sa 1,770,301.

Ang mga magulang ay mga empleyado rin. Sa muling pagbubukas ng ilang mga paaralan, umaasa ang inyong lingkod na makakabawi na ang ating mga working parents dahil mabibigyan na rin sila ng panahon na muling makapaghanapbuhay habang nasa eskwelahan ang kanilang mga anak.

Leave A Reply

Your email address will not be published.