Una sa Balita

Balik-tanaw sa birthday song ng bayan

By
0 85

Sa 2021, magkakaroon muli ng mala­king pagdiriwang ang bayan! Ang Kinsentenaryo! Ibig sabihin, ang ika-500 taon ng pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas at ang kagitingan at tagumpay ni Lapu-lapu sa Mactan laban kay Ferdinand Magellan noong 1521. Mahalaga na makilahok tayo sapagkat ‘once in a lifetime’ lamang ang mga pagdiriwang na ito at hindi na natin aabutin ang susunod pa.

At tulad sa mga naunang malalaking event ng ating bansa, pihadong magkakaroon ng itatalagang ‘celebratory song’ ang Kinsentenar­yo. Nauna na noon ang ‘Tell the World of His Love’ para sa World Youth Day noong 1995, ang ‘Jubilee Song’ para sa ‘Great Jubillee’ ng taong 2000, ang ‘Only Selfless Love’ para sa 4th World Meeting of Families noong 2003, at ang ‘We Are All God’s Children’ para sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015.

Siyempre naaalala rin natin ang ika-100 taong kaarawan ng ating independensya noong 1998, o mas kilala sa Philippine Centennial. Kung tutuusin, mara­ming sumikat na awitin para dito, nariyan ang ‘Maligayang Sentenyal’ ni Juan Miguel Salvador, ang ‘Long Live the Philippines’ at ‘Dakilang Lahi’ nina Tito Sotto at Anthony Castelo.

Subalit, ang pinakaopisyal sa kanilang lahat, ang tunay na Centennial Song, ay ang ‘Mabuhay ka, Pilipino!’ Malamang naaalala pa ng mga na­ging bata noon ang mga unang linya nito: “Sandaang taong kasaysayan ang lumipas/Kalayaang pinaglaban bukambibig mong binibigkas/Kasarinla’y nakamtan dahil sa dugong ibinuwis/Kasama ng mga luha taghoy pagod at hinagpis.”

Ano ba ang kuwento sa likod ng awiting ito?

Minabuti ng National Centennial Commission na noon ay pinangu­nguluhan ni Doy Laurel na imbes na magkaroon ng sariling pakontest para sa Centennial Song, ay makiangkas na lamang sa Development Bank of the Philippines sa kanilang 2nd DBP Katha-Himig Values Songwriting Competition.

Namroblema ang isa sa mga empleyado ng DBP sa Antique na wala pa silang lahok para sa komeptisyon. Kumbaga, hindi pa maka-quota. Kaya nilapitan nila si Dante M. Beriong upang lumahok. Kumbaga, aksidente lamang ang kanyang pagsali.

Minsan isang ‘lunch break,’ sinubukan niyang isulat ang kanyang saloobin sa isang lumang kompyuter, ‘wordstar’ pa nga iyon at hindi pa MS Word. Nagsimula siya sa ano ba ang pinakaimportanteng pagbati sa Pilipino, naisip niya ang salitang ‘Mabuhay.’

Gayundin, naisip niya na bagama’t may mga nagdududa kung talagang malaya na ba talaga tayo dahil sa kahirapan at imperya­lismo, kailangan paniwalaan natin na malaya na nga tayo kasi kung hindi, ano ang ipagdiriwang natin? Ang naisip niyang pamagat ay simple: ‘Mabuhay Ka, Pilipino!’

Ngunit napakalayo nang isandaang taon, hindi na niya naabutan sina Rizal at sina Bonifacio. Nais niya na ang kanyang isasalaysay ay mas malapit ang #hugotsa kanya. Sino ang kanyang magiging inspirasyon sa pagkatha ng ‘birthday song’ ng bayan? Abangan.