Una sa Balita

Balik-problema, este eskuwela

0 421

Sa darating na Hunyo 3, magsisimula na namang gumising nang maaga ang mara­ming magulang para ihanda ang almusal at gagamitin sa eskuwelahan ng kani-kanilang mga anak. Madaling salita, simula na naman ng pahirapan sa paggising sa mga bata.

Ilang linggo bago ang school opening, umarangkada rin siyempre ang tinatawag na ‘Brigada Eskwela,’ o programa kung saan nagtutulong-tulong ang mga guro, pribadong sektor at sibilyan sa pag­lilinis at pagkumpuni ng mga silid-aralan. Pero tanong ng ating dropout na kurimaw, sapat na ba iyon para maging ma­ginhawa ang pagbabalik-eskuwela ng mga bata?

Kung tutuusin naman kasi, parang cosmetic lang ang tinutugunan kapag pinapaganda ang mga silid-aralan at ina­ayos ang mga sirang upuan. Pero kumusta naman kaya ang kalidad ng pagtuturo at kalagayan ng mga estudyante sa loob ng silid-aralan sa araw na mismo ng klase?

Ang isa pa nating kurimaw na propesyunal, may simpleng puna na tiyak na problema ng maraming mag-aaral—ang init! Sabi ng ating kurimaw, nakasama na siya sa ilang ‘brigada eskuwela’ sa ilang public schools sa Quezon City at marami siyang nakitang mga silid-aralan na kung hindi isa lang ang electric fan sa klase, ang iba ay sira, o kung hindi naman eh wala talaga.

Kung totoo ang puna ng ating kurimaw, aba’y kawawa naman ang mga mag-aaral. Sa panahon ngayon na mas mainit ang panahon, tiyak na tagas ang pawis ng mga bata kung hindi maayos ang ventilation o pasok ng natural na hangin sa kanilang kuwarto. Aba’y sandamakmak pa naman ang mga estudyante sa mga public school.

Sabi ng ating kurimaw, sino raw ba ang dapat na maglalagay ng mga electric fan sa mga paaralan at tiyakin na sapat ang hangin sa mga silid-aralan para makapag-concentrate sa pag-aaral ang mga bata? Ang local government unit daw ba? ang Department of Education ba? o ang parents, teachers association? Ang iba nga nating kakilala na nagtapos sa public school, aba’y nag-ambag-ambag silang magkakaklase para mag-donate ng electric fan sa kanilang paaralan. At tiyak na ginagawa rin ito ng iba.

Ang ilang mayor, la­ging ibinibida ang mga libreng school supplies na ibinibigay nila sa mga bata. Bakit hindi kaya nila isama ang pamimigay ng electric fan. Kung malaki ang silid-aralan at marami ang estud­yante, dapat siguro na dalawa ang electric fan sa kanila. Kung hindi naman kakayanin ang dalawa, kahit isa na lang na heavy duty at hindi iyong bargain na masabi lang na may electric fan pero parang hipan lang ang hangin.

Sa nakalipas na mga taon, lumilitaw na buma­baba ang bilang ng mga mag-aaral na pumapasa sa National Achievement Test (NAT). Iniisip ng iba na baka nasa pagtuturo ang problema o masyadong maraming distraction sa kabataan ngayon tulad ng gadgets at computer games. Pero naisip kaya nila na baka hindi pumapasok sa utak ng mga bata ang leksyon kasi hindi sila makapag-concentrate dahil sa init?

Ngayon nga na may El Niño o mas matindi ang init ng panahon, aba’y tagaktak ang pawis mo kahit nakatutok na sa’yo ang bentilador at mag-isa ka lang, papaano pa kaya kung nasa eskuwelahan ka na may kasamang 40 iba pang katawan? Tapos isa lang ang electric fan at mahina pa ang hangin, o kaya naman sira ang electric fan. Tiyak na ang papasok sa utak ng estudyante eh malamig na tubig, beach, swimming pool o anumang magpapalamig sa kaniya.

Siyempre apektado rin tiyak si teacher kapag mainit sa silid-aralan at kung hindi mainit ang ulo niya, baka labas siya nang labas para magpahangin o mamadaliin ang klase para makapagpalamig sa faculty room. Bakit hindi kaya magsagawa ng occular ins­pection ang mga senador at kongresista sa mga pampublikong paaralan at silipin nila ang mga kalagayan ng ventilation ng mga silid-aralan.

Puwede rin naman na atasan nila ang DepEd na mag-imbentaryo [hindi mag-imbento ha] ng sapat na bilang ng mga electric fan sa mga paaralan para makahingi sila ng budget na pambili nito. Kung maglalaan ang bawat kongresista at senador ng maliit na bahagi ng kanilang pork barrel para ipambili ng mga electric fan, aba’y tiyak na mapepreskuhan ang mga bata at gaganahan silang mag-aral.

Pero siyempre kasama pa rin naman na kaila­ngang tiyakin ang mataas na kalidad ng pagtuturo, sapat ang gamit ng mga bata at sapat na silid-aralan, na kasama rin lagi sa mga problema kapag nagbabalik-eskuwela ang mga bata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy