Una sa Balita

Balik-kolum

By
0 60

Matagal-tagal din ang panahon mula noong ako ay tumigil sa pagsusulat ng aking kolum. Siguro may tatlong taon din ang lumipas. At ngayon ay nagbabalik.

Iba’t ibang mga paksa ang ating tinalakay at binigyan ng pansin. Iba’t ibang mga napag-uusapan sa kanto. Sa mga tambayan kung saan nakakasalamuha natin ang ilan sa mga karaniwang mamamayan na hindi nawawalan ng opinyon sa mga nangyayari sa ating bansa. Nandiyan si Kuya Rolly, isang jeepney drayber na hanggang ngayon ay pumapasada pa ng jeep biyaheng Quezon Memorial Circle-Arayat, Cubao. Na hanggang ngayon ay ‘yan pa rin ang alam ng mga kom­yuters kahit nagbago na ang pangalan ng mga kalye. Nandiyan din si Mon na dati kong kaklase sa high school sa Kamuning na magta-tricycle. At si Romy na nagde-deliver ng dyaryo sa akin araw-araw.

Halos walang pinagbago ang mga kaibigan nating mga ito. Mapagmasid at mapagmat­yag pa rin sila sa mga isyu sa lipunan. ‘Di sila nawawalan ng sarili nilang opinyon. At ‘yan ang ating tinatalakay dito sa Dito Sa Kanto. Ang mga bumabagabag at mga “tsismis” o ang tawag ko ay ­“alingas­ngas” na napag-aalaman natin sa mga taong nakasayad ang paa sa lupa, ‘ika nga, at nag-aalmusal ng mga sariwa at lumang balita. Pero mas gusto kong iwan na lang ‘yung “tsismis” sa showbiz section, dahil mas juicy, kumbaga, silang tuma­lakay doon.

Napakaraming mga mapag-uusapan ngayon sa kolum na ito. Lalo na sa panahon ngayon na napakaraming nagaganap sa ating bansa. Ang mga isyu na umaapekto sa buhay ng mga tao, lalo na ang mga karaniwang mamamayan. Tulad ng presyo ng mga bilihin, ang pagtaas ng presyo ng langis, pamasahe, ang mga banga­yan ng mga politiko, ang masangsang na amoy ng mga lansangan, ang darating na Kapaskuhan, ang magaganap na midterm elections … economic… social… political… cultural… etc, etc. etc.

Kaya bumabalik, Balik-kolum. Dito sa Dito Sa Kanto. Sa isang sulok din ng pahayagang ito.