Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Balik eskwela ba sa COVID-free na lugar?

0 450

Bukod sa buhay at kabuhayan, isa pang matinding winasak nitong coronavirus ang sistema ng pag-aaral ng ating mga estudyante.

Dahil sa tindi ng virus na maaaring makahawa sa talsik ng laway na nasa hangin o mga bagay, sapilitang ipinatupad ang quarantine, social distancing at paggamit ng mask at face shield.

Itinigil ang klase sa mga eskwelahan na nagbunga sa “blended learning” o pinaghalo-halong paraan ng pagtuturo at pag-aaral, depende sa sitwasyon ng mga estudyante.

Kaya’t nagkaroon ng online classes sa mga estudyanteng may internet connection, na sinasalitan ng modules sa ibang araw. Gumagamit rin ng estasyon ng radyo at TV upang maiparating sa kanila ang guidance ng mga guro.

Subalit paano kung malayo sa kabihasnan ang tirahan ng mga estudyante at walang linya ng kuryente? Paano ka makikinig ng leksyon sa radyo at tv o magcha-charge ng gadget kung wala kayong kuryente sa bahay? Paano ka mag-aaral sa dilim?

Dahil 95% ng ating mga estudyante ang nakadepende sa modules, ayon na rin sa Department of Education (DepEd), ang plano ay may mga gurong naka-online, mapapanood sa TV o maririnig sa radyo na magbibigay direksyon sa mga estudyante sa pagsunod sa modules.

Dyan tayo nagkakaproblema dahil sa pagbusisi natin sa panukalang budget ng iba’t ibang departamento, napag-alaman nating hindi maaasahan ang internet connection dahil sa mahinang signal at ang bilang ng mga estudyanteng may access sa tv at radyo ay nasa 1% lamang.

Idagdag pa sa problemang iyan na 2.3 milyong bahay sa liblib na lugar ng bansa ang walang linya ng kuryente. Bawat bahay na ‘yan ay may estudyanteng hirap na hirap makasabay sa blended learning.

Maraming mga lugar sa bansa ang halos walang kaso ng COVID-19. Baka isang solusyon upang mabawasan ang hirap na nararanasan ng ating educators at mga estudyante sa blended learning ay ang muling pagbubukas ng eskwelahan sa mga lugar na walang naitalang coronavirus.

Karamihan sa mga lugar na ito ay nasa probinsya. Ibalik na natin sa normal ang kanilang buhay doon, kahit man lang sa larangan ng edukasyon. Tutal naman ay ligtas ang komunidad nila sa virus.

Sa buong mundo, tanging ang Pilipinas at Kenya na lamang ang mga bansang hindi pa nagbubukas ng mga eskwelahan sa ngayon. Naiintindihan natin ang pangamba ng mga awtoridad sa pagkalat ng coronavirus, subalit mag-iisang taon na tayo sa pandemya.

Kung malaking problema ang nararanasan sa blended learning, napapanahon na sigurong pag-isipan ang pagbubukas ng mga eskwelahan sa maraming lugar sa bansang walang kaso ng COVID-19.

Hindi pwedeng tumatakbo ang panahon na walang natututunan ang ating mga anak. Maraming buwan na rin ang naaksaya sa kanila. Sa katunayan, sa taong ito, halos isa o isa’t kalahating buwan pa lang nag-aaral ang mga estudyante natin sa ilalim ng blended learning.

Kung niluluwagan na ang mga tao sa pagpunta sa restoran at malls at pagsakay sa public transportation dito sa Metro Manila at iba pang lugar na mataas ang bilang ng COVID-19 cases, ano ang dahilan para hindi buksan ang mga eskwelahan sa probinsyang walang kaso ng COVID-19?

Sa halip na ipilit nating ipatupad ang “new normal” sa edukasyon na hindi na epektibo dahil sa dami ng problemang naglabasan, baka pwedeng ibalik sa “normal” ang mga eskwelahang nasa ligtas na lugar sa bansa.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.