Una sa Balita

Bakwit namahagi ng 50 baboy sa mga kababayan sa Batangas

0 343

IPINAMIGAY ng isang dating­ mayor ang kanyang mahigit 50 alagang baboy upang maging pagkain ng mga biktima ng pagsabog ng Taal na ngayon ay nasa iba’t ibang mga evacuation center sa Batangas.

Enero 16 ng umaga ng mag-post sa Facebook si dating San Nicolas mayor William Enriquez at inia­alok ang kanyang mga baboy sa mga nasa evacuation center.

Bago magtanghali ay nasimot ang kanyang mga alaga na nasa isang farm sa San Nicolas na isa rin sa matinding naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Ayon sa 57-anyos na dating alkalde, nakita niya ang matinding kakulangan­ sa pagkain ng mga evacuee­ sa kanyang tatlong araw na pagsilong sa As-is Elementary school na ginamit na isang evacua­tion center sa bayan ng Bauan matapos na lumikas mula sa kanilang bahay sa Poblacion ng San Nicolas.
Matapos silang magkatay ng dalawang baboy na kanyang ipinakuha sa kanyang farm, doon niya naisip na ipamigay na lahat ang mga alaga.

Ayon dito, hindi naman eksklusibo sa mga taga-San Nicolas ang kanyang ipinamigay at ipinamahagi rin ito sa mga evacuee mula sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Lemery at Taal. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More