Bakunemen

Sa bansang Indonesia, kasamang nagpabakuna ng kanilang Presidente na si Joko Widodo ay ang mga tinatawag na ‘vlogger’ o ‘social media influencer’.
Isa sa naturukan ay si Indonesian television personality, Raffi Ahmad, na may 50 million followers sa kanyang Instagram account.
Dito sa atin, kasamang nagpabakuna ng mga health worker ang ilang government official sa pangunguna ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., at Deputy Chief Implementor Vince Dizon.
Tinawag silang ‘influencer’ ni Presidential Spokesman Harry Roque na nabigong mabakunahan dahil ‘di nakapasa sa ilang requirement.
Ang layunin nito ay maimpluwensiyahan ang iba pang medical frontliner at maging ang publiko na may agam-agam sa pagpapabakuna lalo na kung ito ay galing China tulad ng Sinovac.
Sa unang dalawang araw, mababa ang turn out ng mga nagpabakuna. May ilan na nagparehistro pero nabigong magpunta sa mga vaccine center.
Sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, nadadagdagan ang may interes na mabakunahan matapos na makita na nauna na si Dr. Fritz Famaran, medical chief ng hospital.
Habang nagtatalo naman si Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Pangulo Leni Robredo kung dapat sila na mabakunahan sa publiko, may ilan naman na namamantala sa situwasyon.

May ulat na nakarating sa akin mula sa ilang health worker na isang miyembro ng hudikatura ang nauna pang naturukan ng Coronovac ng Sinovac sa kanila kahit wala sa priority list.
Nag-post pa ito sa kanyang social media account at nagpasalamat sa pagkakataon na mapasama sa nabakunahan.
Anuman ang kanyang dahilan – baka naman expose sa mga tao sa korte na may Covid19 o may iniindang sakit – malayo pa rin siya sa listahan.
Kailangan na mamonitor ni Galvez ang iba’t ibang hospital na baka nga may nakakasingit sa pila at the expense ng mga health worker at mahihirap.
Sa ibang bansa, katulad ng Peru, nagsisipagbitiw ang mga opisyal ng gobyerno kapag nabuko na nauna na silang nabakunahan bago pa man ang mass vaccination o roll out.
Dito sa Pilipinas, sana nga maisama sa pagbabakuna ang mga ‘influencer’ – artista man o vlogger – hindi ang mga may impluwensiya sa gobyerno.
Walang personalan.