Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bakuna sa A4 Priority Group

0 48

Sisimulan na po ngayong Lunes ang mass vaccination rollout para sa A4 category sa priority list ng gobyerno laban sa mapaminsalang COVID-19.

Ang atin pong tanggapan–ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay kasama sa ceremonial vaccination na gaganapin sa Mall of Asia sa Pasay City na inaasahang magiging hudyat ng pagsisimula ng pagbibigay ng bakuna para sa proteksiyon ng ating mga staff at sa lahat ng kawani sa gobyerno.

Bukod sa mga empleyado ng pamahalaan, kasama rin po sa A4 category ang mga economic frontliner o essential workers sa pribadong sektor na nasa National Capital Region at walo pang mga lugar sa bansa, partikular sa Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao.

Ang mga nabanggit na lugar ang may pinaka-maraming manggagawa na dapat mabigyan ng proteksiyon laban sa COVID-19 para makapagpatuloy sa kanilang trabaho at magtuloy-tuloy na ang pagbubukas ng ekonomiya.

Mahigit isang taon na po tayong nagdurusa sa epekto ng COVID pandemic at maraming mga negosyo ang nagsara, maraming hanapbuhay ang nawala dahil sa pamiminsala ng salot na virus.

Ngayong mayroon ng bakunang panlaban sa mabagsik na virus ay umaasa ang gobyerno at ang business sector na makakabangon na ang bansa mula sa matinding pagkalugmok.

Positibo po ang mga negosyante na kapag nakuha ang target na herd immunity hanggang sa Nobyembre ngayong taon ay inaasahang magiging masaya na ang pasko ng mga Pilipino.

Pero sino po ba ang mga manggagawang nasa A4 category? Ayon po sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang mga pasok sa A4 ay yaong mga pribadong manggagawa na kinakailangang pumasok sa trabaho sa labas ng kanilang tahanan at may direktang contact sa ibang mga tao sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Kabilang din sa A4 ang mga kawani ng gobyerno mula sa mga pangunahing ahensiya, government-owned and controlled corporations at mga kawani at empleyado ng mga lokal na pamahalaan; informal workers o mga self-employed na kinakailangang lumabas ng bahay para makapaghanapbuhay; at ang mga kasambahay.

Bibigyang-prayoridad ang mga economic frontliner na nasa edad 40-59 dahil habang nagkakaedad ay may posibilidad na humihina na rin ang resistansiya at immune system .

Batay sa record ng gobyerno, nasa 13 million ang mga target na mabakunahan sa NCR Plus at
isusunod naman ang 22.5 million essential workers sa iba pang mga bayan at lalawigan para maabot ang target na 35.5 million “population protection”.

Katuwang sa vaccination rollout sa A4 category ang local government units (LGUs) na handang-handa na para sa pagbibigay proteksiyon sa sektor ng mga manggagawa at ang mga pribadong kumpanya na bumili ng kanilang sariling COVID vaccines para sa kanilang mga manggagawa.

Malawak po ang sakop ng A4 dahil halos lahat ng industriya ay may mga manggagawa kaya mahalagang mabakunahan para sa kanilang proteksiyon laban sa posibleng kontaminasyon ng COVID-19.

Malinaw po ang layunin ng gobyerno, at ito ay mabakunahan ang mayorya ng populasyon ng mga Pilipino para makapagsimula muling iahon ang ekonomiya at kabuhayan at makalagpas sa bangungot na hatid ng COVID-19.

Nananawagan po ako sa lahat ng economic frontliners na magpabakuna na para mapanatag ang loob at mawala ang pangamba tuwing lalabas ng bahay sa posibilidad na makapitan ng COVID-19 at mahawaan ang pamilya.

Samantala, naglabas po ng panibagong resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) nitong Huwebes, June 3, 2021 na nagpapaiksi sa quarantine period ng mga balikbayang Pinoy na darating sa bansa.

Batay po sa IATF Resolution no. 119, lahat ng mga pasaherong darating sa bansa mula sa abroad na unang nabakunahan sa Pilipinas ay sasailalim na lamang sa pitong araw na quarantine sa isang quarantine facility pagdating sa bansa, at isasalang lamang sa RT-PCR test kung nakitaan ang balikbayan ng sintomas ng COVID-19.

Hindi po kasali dito ang mga dayuhan, Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga Pilipinong nabakunahan sa ibang bansa .

Bukod dito, pinayagan na rin ng IATF ang non-government repartiation para sa pagpasok sa bansa ng mga biyahero kabilang na ang mga Pilipino mula sa India,Pakistan,Nepal, Sri Lanka, Bangladesh,Oman at United Arab Emirates na naunang inilagay sa travel restrictions dahil sa posiblidad na makapasok sa Pilipinas ang mabagsik na Indian variant ng COVID-19.

Kinakailangan lamang pong magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test ang mga repatriates 48 oras bago ang biyahe patungong Pilipinas at pagdating sa bansa ay kailangang sumailalim sa mahigpit na 14-day facility-based quarantine.

Para naman sa repatriation ng mga Pilipino sa nabanggit na mga bansa na inorganisa ng gobyerno, aalalayan ang mga ito ng mga pangunahing ahensiya gaya ng Departmenf of Foreign Affairs , Overseas Workers Welfare Administration at ilan pang mga ahensiya hanggang sa makarating sa bansa.

Pumayag na rin po ang IATF na makapasok sa bansa ang mga dayuhang may hawak na Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) ng hindi na kinakailangang kumuha ng exemption pa sa gobyerno.

Ang SRRV ay ibinibigay ng gobyerno sa mga retiradong dayuhan at mga dating Filipino citizen na nais manirahan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa ng Philippine Retirement Authority na may layuning mapaangat ang socio-economic development ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.