Una sa Balita

Bakit umaalis ang isang manggagawang Pinoy sa kanyang trabaho?

0 205

Ni: Mina Aquino

Ang trabaho ay mahalaga sa lahat ng tao lalo na sa mga padre de pamilya o mga anak na inaasahan ng kanilang pamilya upang maitaguyod at maitawid ang pang-araw araw na buhay.

Ngunit, dumarating din ang mga problema o dahilan kung bakit kailangang lisanin ng isang manggagawa ang kanyang trabaho.

Magkakaiba ang dahilan ng mga manggagawa kung bakit nilalayasan ang kanilang pinasukang trabaho.Karaniwan na ang maliit na suweldo dahil hindi mapagkasya sa kanilang gastusin araw-araw. Minsan kahit gustong-gusto ng umalis sa trabaho ang isang manggagawa ay hindi niya magawa lalo na kapag wala pa itong agad malipatan.

Isa rin ay ang ‘power play’, inggitan, laglagan, at sipsipan na kung mahina-hina ang iyong loob ay susuko ka lalo pa’t sanay, matibay ang dibdib ng nakabanggang empleyado na napipilitan na lamang umalis ang isa na hindi kayang makapagsabayan, magkaroon lamang ng kapayapaan.

Ang iba naman ay hindi makatagal dahil sa hindi magandang patakbo ng pinasukang kompanya at ang iba naman ay hindi masaya dahil hindi ‘linya’ o hilig ang pinasukang trabaho.

Pangakong napako!
Isa rin itong dahilan upang tuluyang talikuran ang trabahong pinasukan. Tulad na lamang ni Leslie Corpuz, 38, dating empleyado sa shipping company na pag-aari ng isang dayuhan na pinatatakbo ng mga Pilipino, na umayaw sa kanyang trabaho dahil sa hindi magandang pamamalakad.

Si Corpuz ay nasa managerial position at ninais na lamang lisanin ang kanyang trabaho dahil sa dami ng mga ipinangako ng management na mga benepisyo ngunit wala kahit isang tinupad.

Ito’y matapos niyang bunuin ang anim na buwang probitionary period na sa halip na tatlong buwan lamang sa managerial position.

Ang unang napagkasunduan ay dadagdagan ang kanyang sahod, medical benefits at iba pa sa halip ay dinagdagan ang kanyang trabaho.

Lalong nabuo ang desisyon niyang kumalas sa kompanya, nang malaman niya na ang karamihang empleyado na nagpa-file ng overtime (OT) ay hindi nababayaran.

“Sana masilip ito ng mga kinaukulan ang ganitong problema ng mga empleyado kapag nagsasagawa ng inspeksiyon ang DOLE,” ani Corpuz.

“Mabuti pa ang mga dayuhang employer, maayos makitungo, lalo na kapag nakikita nilang ginagawa mo ng tama ang trabaho mo, ngunit minamasama ito ng namumunong Pinoy, imbes tulungan kang iangat, ay sila pa ang unang maninira sa mga nasa ibaba, na nakakadagdag stress sa work environment, kahit wala kang ginagawang masama ay pinag-iisipan ka pa,” himutok pa ni Corpuz.

Sakali aniya siyang magkakatrabaho ulit, magiging maingat siya sa mga kompanyang nangangako ngunit hindi marunong tumupad sa usapan.
Hindi maayos na pakikitungo ng employer sa empleyado.
Ang maayos na relasyon ng employer­ o sa mga nautusang magpatakbo ng isang kompanya ang isang susi upang maging mapayapa ang work environment at maging produktibo ang isang kompanya.

Ngunit kapag wala ito sa isang kompanya ay asahan mo na ang magiging bunga nito ay kabiguan o ‘pigil sa pag-asenso’.

Bukod sa mababang suweldo, isa sa nakaka-demoralize sa isang empleyado ay kapag may nagawang kasalanan o kapalpakan na maari namang daanin sa malumanay na usapan ay hinihiya at minumura pa sa harap ng maraming tao sa halip na kausapin ng pribado.(Itutuloy)

***Part2***
Ito ang naging karanasan ng isang Noemi Lejano, 48, nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya sa Quezon City.

“Masyadong abusado at mapang-alipusta sa kapwa. Hindi lamang ako ang nakaranas ng pamamahiya at mura niya, yung iba ay hindi na nakatiis at naglayasan na sila,” ani Lejano.

“… Basta’t nagkamali ka kahit maliit na bagay ay di ka makakaligtas sa kanyang pamamahiya, at ang masakit itinataon pa sa maraming tao,” himutok pa ni Lejano.

Sa halip aniyang suportahan at tulungan ang empleyado, ay itinutulak pang magalit, tamarin at mawalan ng ganang magtrabaho hanggang tuluyan umalis dahil sa masamang pakikitungo sa mga empleydo.

Dahil umano sa ma-impluwensiya ang kanilang ‘boss’, hindi nilang magawang makapag-reklamo.

DOLE on the rescue sa mga nawalan ng trabaho sa lokal at overseas
Sa panig ng labor department, may ilang mga programang nakalatag upang matulungan ang mga displaced worker.

Sa esklusibong panayam ng ABANTE kay Labor Undersecretary Ana C. Dione, ng Labor Relations, Special Concerns and Regional Operations Cluster, binanggit niya ang ilang livelihood program na ibinibigay ng kagawaran sa mga nawalan ng trabaho.

“Halimbawa ang livelihood program sa mga displaced workers … kung hindi marunong yung displaced workers, at yung asawa ay nakapagsimula na ng maliit na negosyo ay yun ang tutulungan namin yung asawa indirectly, dadagdagan mo yung puhunan…yun yung essence ng livelihood program lalo na sa lokal,” wika ni Dione.

Isa pa aniya ay ang referral, meaning magsasagawa ang DOLE ng jobs fair para sa kanila, hindi lamang sa lokal kasama na dito ang displaced overseas workers.

Binanggit din ni Dione ang retraining, retolling ngunit may kaunting panahon na hihintayin dahil minsan yung ibang mga manggagawa ay walang skill.

“…Papa-training mo sila ‘pag displaced workers kahit papaano pinipilit naman na walang magagagastos na galing sa kanila. Pina-facilitate namin meaning to say inaayos namin with TESDA mag-conduct para walang gastos, kung may konting gastos ay sino-shoulder na ng department yun eh,”
“Halimbawa pakain during the training, pero yung bayad sa trainor waive na at hindi na mag-cha-charge,” paliwanag pa ng opisyal.

“Ang training ay depende kung orientation type lang, kaya na nilang magtrabaho sa edad nila…yung iba naman skills training na nangangailangan ng certification as a proof na ibinibigay ng TESDA matagal ‘yun depende sa skills na gusto nilang kunin so it ranges from 2 weeks to 3 months para sa short courses, dagdag pa ni Dione.

Karaniwang inilalapit na reklamo/problema ng manggagawa
Dahil na rin sa mga reklamo o mga kinakailangang impormasyon hinggil sa paggawa, nagtatag ang DOLE ng 24/7 call center upang matugunan ang mga concern ng mga manggagawa.

Ang pinakamataas na mga reklamo at tanong ay patungkol sa suweldo, employment, SSS benefits na nasa ilalim ng klasipikasyon ng labor standard.
Pumapangalawa sa listahan ng kanilang natatanggap ay ang problema sa relationship ng management at employer na nasa ilalim ng klasipikasyon ng labor relations.

“Normally ang mga dumarating sa call center ay usually sinasagot na agad kung kayang sagutin o pagka gusto nilang patignan ay papa-inspection namin kung saang region na nakakasakop. Kung susunod naman ito voluntarily dahil binibigyan naman ang kompanya ng 10-araw to comply pero kung hindi ay isusubmit na nila ang report dahil violation na yun.”

Labor Department gumigitna din sa mga sigalot ng manggagawa at employer
Marami-rami na rin ang naresolba at natulungang pamilya na mga nabiktima ng mga trahedya na tinutukan ng DOLE na ilalim ng safety and health, tulad na lamang sa nangyaring insidente sa Guiguinto, Bulacan nang tumagilid ang itinatayong wall ng isang bodega na naipit at ikinamatay ng 12 manggagawa, ang Kentex tragedy sa Valenzuela at iba pang mga malalagim na insidente dahil na rin sa ilang mga paglabag o mga kakulangan sa pang-kaligtasan.

Bagong batas ng SSS para sa miyembro na nawalan ng trabaho
Ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na hindi sinasadyang mawalan ng trabaho ay makakatikim ng karagdagang benepisyo.

Ang unemployment benefit ay alinsunod sa bagong batas sa ilalim ng Republic Act 11199 (Social Security Act of 2019) na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Ang naturang batas ay ini-akda ni Senator Richard Gordon at binibigyan diin na ang isang miyembro ng SSS na mawawalan ng trabaho ay maaring mag-aplay para sa unemployment assistance sa ilalim ng naturang batas.

Una nang inihayag ng senador na magsisimula ito sa loob ng dalawang buwan, hindi bababa sa P10,000 sa isang buwan kung ikaw ay naghuhulog ng kontribusyon sa ilalim ng maximum salary credit, sa loob ng dalawang buwan, habang naghahanap ng trabaho.

Sa ilalim ng Seksyon 14-B ng RA 11199, ang isang miyembro na nawalan ng trabaho ay maaaring mag-claim ng benepisyo sa pagkawala ng trabaho na katumbas ng 50 porsiyento ng kanyang average na buwanang suweldo na credit para sa maximum na dalawang buwan.

Ang miyembro ay hindi dapat higit 60 taong gulang at nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwan na kontribusyon, labindalawang buwan na dapat ay nasa loob ng 18-buwang tagal ng panahon bago ang involuntary unemployment o separation. Ang isang miyembro ay maaari lamang mag-claim ng mga benepisyo sa pagkawala ng trabaho minsan sa bawat tatlong taon.

Ang naturang benepisyo ay naglalayong makatulong sa gastusin sa paghahanap ng panibagong trabaho dahil maari kang makakuha sa loob ng dalawang buwan.
Nilinaw din na hindi ito pautang kundi bahagi lamang ito ng SSS benefits na makakatulong upang mapakinabangan ng mga miyembro tulad ng pagkakasakit at panganganak. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy