Una sa Balita

Bakit nalilito pa rin tayo sa Mazaua?

0 288

Part 1

Malaking isyu pa rin sa marami kung saan nga ba talaga lumapag ang ekspedisyon ni Magellan at nagsagawa ng misa noong Easter Sunday noong 1521, o yung mas kilala noon bilang ang “unang misa.”

Lalo na at paparating na malaking pagdiriwang ng Kinsentenaryo ng pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas.

Kahit na nakatatlong panel na ang nagdedesisyon (Live-in Workshop noong 1980, Emilio A. Gancayco Panel noong 1998, at Benito J. Legarda, Jr. Panel noong 2009) na sa Limasawa, Leyte nga nangyari ito, bakit hanggang nga­yon, mayroon pa ring naniniwalang talagang nangyari ito sa Masao, Butuan (Minda­nao)? Sa katunayan, may isa na namang panel, ang Resil Mojares Panel ang mu­ling tumitingin sa mga dokumento.

Ito ang pitong dahilan kung bakit nalilito pa rin tayo sa lokasyon ng Mazaua na isinulat ni Antonio Pigafetta sa kanyang mga tala:

Una, ang pangalang Mazaua. Dahil wala nang lugar na ganoon ang pangalan sa ngayon, dalawa ang nagiging kandidatong lugar na katunog nito:

Masao at Limasawa. Maliwanag sa mga tala ni Pigafetta na isang isla ang kanilang napuntahan.

Madaling makita na isla ang Limasawa at ang Masao ay bahagi ng isla ng Mindanao subalit may mga lumang mapa na nagpapakita na hiwalay na isla nga ang Masao mula sa Butuan.

Kaya hindi sumusuko ang mga taga-Butuan sa pagsasabing ito ang Mazaua.

Pangalawa, nabanggit talaga ang Butuan sa tala ni Pigafetta. Paano?

Kapatid ng Hari ng Mazaua na si Raha Siagu, ang pintadong guwapo na Hari ng Butuan-Calaghan na si Colambu na binisita sila habang nasa Mazaua at sumama pa sa kanila sa kanilang pagpunta sa Cebu.

Kaya kung magkapatid ang dalawa, malamang sa malamang ay magkalapit din daw ang kaharian ng mga ito, at dalawang kaharian talaga ang Butuan at ang Masao noong 1521 kahit na ang Masao ngayon ay sakop na ng Butuan.

Pangatlo, ang naunang tradisyong Butuan. Mga 150 taon ang nakalipas matapos ang pangyayari, sinulat ni Padre Francisco Colin, S.J. ang “Labor Evangelica,” ang aklat ukol sa gawa at pagtatag ng probinsya ng Pilipinas ng mga Heswita, na ang “primera misa” ay isinagawa sa “Tierra de B­utuan.” Mula noon, lahat ng mga talang Espanyol ay Butuan na ang nilalagay.

Naglagay pa ng monumento noong 1872 para sa unang misa sa Baug Island, Magallanes, Agusan del Norte, na malapit sa Butuan.

Ngunit sa mu­ling paglilimbag kay Colin ng tinitingalang Heswitang iskolar na si Padre Pablo Pastells na guro at kadebate ng ating Pambansang Bayani na si José Rizal, dito na niya sinabi na hindi Butuan kundi Limasawa, Leyte ang pinagdausan ng misang ito, at sinundan na siya ng iba pang mga iskolar sa pagsasabi nito (Pardo de Tavera, James Ale­xander Robertson, John Schumacher, Samuel K. Tan, Miguel Bernad, etc).

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy