Una sa Balita

Bakit may film director pa ang SONA?

By
0 392

Masasabing kakaiba ngayon ang magaganap sa ating bansa dahil sa pagdadaos ng State of the Nation Address (SONA) ng ating Pangulo.

Tatlong administrasyon o presidente ng bansa ang akin nang naikober noong ako pa ay Malacañang reporter; apat na taon sa panu­nungkulan ni da­ting Pangulong Fidel Ramos, tatlong taon kay dating Pangulong Erap Estrada at siyam na taon kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Sumatutal, 16 taon akong reporter sa Palasyo at naging presidente rin ng Malacañang Press Corps.

Ang nakakapagtaka ay bakit kailangan pa ng film director upang mangasiwa sa SONA ni Pangulong Duterte?

Kung tutuusin ay napakagaling ng mga tao sa RTVM na siyang nanga­ngasiwa sa mga presidential coverage.

Ang SONA ng isang Pangulo ay itinuturing na ulat sa bayan o paglalahad ng kanyang plano at accomplishment.

Laman ng talum­pati ang inaabangan at hindi ang umiikot na camera sa loob ng Batasan Complex.

Pero kahit pa lib­re ang serbisyo ng batikang direktor na si Joyce Bernal, hindi naman kaila­ngan ang magandang kuha ng camera sa Pangulo at sa halip ay kung ano ang mensahe ng talumpati ng Pangulo na para sa interes ng publiko.

Gayunman, prerogatibo na ng kasalukuyang administrasyon kung ano ang kanilang nais na diskarte sa SONA, subalit bilang isang komentarista at beteranong Malacañang reporter ay nais ko lang ibahagi ang aking kuro-kuro sa usapin ng SONA.