Una sa Balita

Bakit mahirap mag-lobby ng dagdag budget sa pabahay?

0 57

Maraming tanong na naglalaro sa isip ko nang mahirang akong chairman ng committee on hou­sing and urban development sa Kongreso noong 2016. Hindi pa naman kasi ganu’n kalawak ang nalalaman ko sa mga isyung may kinalaman sa pabahay nu’ng panahon na ‘yun.

Tanda ko pa, pursigido ako na magbunga ng maganda ang mga pagsisikap namin sa komite para mabawasan ang backlog sa pabahay. Ang tanong ko nga sa staff ko at sa Committee secretariat, paano ba natin magagawa ang mga sarili natin na kapaki-pakinabang sa problemang ito?

At bilang pagtugon sa aming mandato para gumawa ng mga batas, todo-sikap kami sa komite na itulak para maisabatas ang mga panukalang batas na lulutas sa problemang pabahay.

Sa suporta ng mga kasama nating mambabatas sa komite, nakapagpasa po tayo ng 15 panukalang batas bago matapos ang second regular session at walo rito ay nakaakyat na sa Senado.

Pero sa kabila ng ating pagsisikap sa le­gislative side, hindi pa rin ako mapakali dahil sa hindi malutas-lutas na problema sa pabahay na lagi ng lumulutang sa mga diskusyon namin sa komite. Nandun lagi ‘yung suliranin sa kakulangan ng pabahay o backlog, presyo, pagpapatupad ng programa o kahit na simpleng kahulugan o termino sa pabahay.

Sabi ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), umakyat na sa 5.5 million unit ang backlog natin sa pabahay at tataas pa raw ito ng hanggang anim na milyon sa susunod na taon.

Related Posts

Ang patuloy na pagdami ng mga informal settler family (ISF) na umaabot na ngayon sa mahigit 600,000 sa Metro Manila pa lang ang isa sa mga dahilan ng backlog.

Ang tanong ko nga po, kung laging sinasabi ng gobyerno na inaasahan na nilang tataas pang lalo ang mga problemang ito,  eh bakit hindi sila mag-isip ng mga progra­mang lulutas dito? Puro pala inaasahan eh bakit walang ginagawa o kulang ang ginagawa para maresolba ito?

Mandato ng gobyerno natin na bigyan ng disen­teng pabahay ang mga mamamayan nito pero ano ang nangyari at hindi na nakausad? Unfunded mandate na lang ba ito na pinatunayan ng tumataas na backlog?

Kung pagbabatayan naman ang average salary sa NCR, hanggang P4,000 lang ang kayang ilaan ng isang karaniwang manggagawa para sa buwang bayad sa upa sa bahay. Ilang kababayan kaya natin ang kayang magbayad ng ganito? Mabigat ito para sa isang informal settler pero mas nakaalarma na kahit ang mga regular wage earner ay hindi na rin ito kinakaya.

 Bakit parang walang pag-usad sa usaping pabahay? Sa isang pag-aaral sa mga bansa sa Asya, nakalulungkot na ang Pilipinas ang may pinakamababang investment sa housing. Para sa Fiscal Year 2019, 0.075% lang sa national budget ang inilaan sa pabahay at ito ang pinakamababang budget na inilaan ng gobyerno sa pabahay sa loob ng nakalipas na 10 taon.

 Bakit po ba napakahirap na mag-lobby para sa dagdag na budget sa pabahay gayung napakarami ang makikinabang dito? Bakit napakahirap na itulak ang na maipasa ang pagbuo sa Department of Housing na tutugon sa problemang ito? Bakit nga ba?